Umabot na sa halos 7,000 ang mga kaso ng tigdas na naitala ng Department of Health sa bansa, kabilang ang mahigit 100 nasawi sa sakit.

BAKUNA KAYO D’YAN! Upang makontrol ang pagdami ng kaso ng tigdas sa bansa, simula ngayong Sabado ay nagbabahay-bahay ang Philippine Red Cross upang mabakunahan ang 11,600 bata sa Maynila. MARK BALMORES

BAKUNA KAYO D’YAN! Upang makontrol ang pagdami ng kaso ng tigdas sa bansa, simula ngayong Sabado ay nagbabahay-bahay ang Philippine Red Cross upang mabakunahan ang 11,600 bata sa Maynila. MARK BALMORES

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, batay sa huling datos ng kagawaran, simula Enero 1 hanggang Pebrero 13, 2019 ay umakyat na sa 6,921 ang naitala nilang measles cases sa bansa, at 115 ang kumpirmadong namatay dahil sa kumplikasyon. Sinabi ni Duque na ang Metro Manila pa rin ang may pinakamaraming kaso ng sakit, na umabot sa 1,752, o 25 porsiyento ng kabuuang kaso.

Sumunod ang Region IV-A (Calabarzon) na may 1,653 kaso, o 24% ng kabuuang kaso; at ang Region III (Central Luzon) na may 982 kaso, o 14% ng total measles cases.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa Metro Manila, pinakamaraming tinigdas sa Quezon City, na umabot sa 478; kasunod ang Maynila, na may 338 kaso; at ang Caloocan, na may 190 cases naman.

Kaugnay nito, tiniyak ni Duque na patuloy silang gumagawa ng mga hakbangin upang makontrol ang outbreak ng tigdas sa bansa.

Kahit Sabado ay patuloy na nag-iikot si Duque at ang kanyang mga tauhan para alamin ang kondisyon ng mga pasyente ng tigdas sa iba’t ibang health centers at pagamutan, at ngayong araw ay bumisita siya sa Block 37 health center sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City, saka dumiretso sa Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina City.

Nagsasagawa na rin, aniya, ang DoH ng mapping activities, at nagbabahay-bahay upang matukoy kung aling komunidad ang may pinakamaraming kaso ng tigdas para hikayatin ang mga magulang na pabakuhanan ang kanilang mga anak.

Sinabi ni Duque na target nilang mabakunahan ang may 2.4 na milyon na anim na buwan hanggang 59 na buwan, gayundin ang pitong milyong grade schoolers, na mula kindergarten hanggang Grade 6, na hindi pa nabakunahan, o kaya’y nakatanggap ng unang dose ng measles vaccine ngunit hindi naman nabigyan ng second dose.

Umaasa naman si Duque na pagsapit ng huling linggo ng Abril o unang linggo ng Mayo ay makokontrol na ng DoH ang measles outbreak.

Kaugnay nito, sa isang maikling mensaheng napanood sa PTV-4 nitong Biyernes, personal na nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ina na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas, dahil nakamamatay ang nasabing sakit.

“Mga kababayan, dumadami ang kaso ng tigdas at ang kumplikasyon nito ay mamatay ka,” ani Duterte. “Sa mga anak natin, bakuna lamang ang tanging paraan [para] makaiwas sa sakit na ito.”

Handa namang tumulong ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang Office of Civil Defense (OCD) sa kampanya kontra tigdas.

Ayon kay NDRRMC Spokesman Director Edgar Posadas, makikibahagi ang kanilang mga tauhan sa information dissemination kaugnay ng immunization program ng pamahalaan.

“Hindi naman tayo magbabahay-bahay, mayroon lang tayong monitoring para sa vaccination and immunization at ‘yung prevention,” paglilinaw ni Posadas.

Mary Ann Santiago, Argyll Cyrus B. Geducos, at Beth Camia