ANG kaso laban kay Maria Ressa ay hindi nakabase sa anumang paglabag sa kalayaan sa pamamahayag. Nakagawa siya ng krimen at nakitaan ito ng korte ng probable cause,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Pinayuhan niya si Ressa na asikasuhin na lang niya ang kanyang depensa. Iba ang pananaw at damdamin ng mga mamahayag katulad ni Ressa. Gawa-gawa lamang ang kaso laban sa kanya, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

“Pinapatunayan lang ng gobyerno na hahangga ito kahit sa katawa-tawang gawain para mapatahimik lang ang mapamunang media. Ang pag-aresto kay Ressa na maliwanag na minanipulang kasong cyber libel ay kahihiyang hakbang ng panggigipit ng gobyernong bully,” dagdag pa ng NUJP.

Bakit nga naman hindi? Ang kaso ay nag-ugat sa isinulat ng Rappler reporter na si Reynaldo Santos, na ang kotseng ginamit ni dating Chief Justice Renato Corona sa panahon ng kanyang impeachment trial ay pag-aari ng negosyanteng si Wilfredo Keng. May koneksiyon umano si Keng sa grupong sangkot sa drug trafficking at smuggling. Limang taon pagkatapos itong iulat, nagsampa ng reklamo si Keng laban kina Santos, Ressa at anim pang kasapi ng Rappler’s board of directors, sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Ibinasura ng NBI ang reklamo dahil inilathala ang istorya bago maging epektibo ang batas. Ang problema, noong Enero, 2019, binuhay ng Department of Justice (DoJ) ang kaso dahil, aniya, ang istorya ay inilabas muli noong Pebrero, 2014, kaya p’wedeng batayan ng demanda.

May pagkakaiba ba ito sa ginawa ni Pangulong Duterte kay Sen. Antonio Trillanes? Dahil wala umanong application for amnesty ang senador, ang amnestiyang ibinigay sa kanya ni dating Pangulong Noynoy ay walang bisa. Kaya, nag-isyu ang Pangulo ng proklamasyon na binabawi ang amnestiya ng senador at binuhay ang mga kasong rebelyon at kudeta laban sa kanya sa dalawang regional Trial ng Makati. Ganito rin ang ginawa ng mga kaalyado ng Pangulo kina dating Chief Justice Lourdes Sereno at Sen. Leila de Lima. Pinatalsik sa p’westo ang dating Punong Mahistrado sa pamamaraang napakahirap tanggapin na naaayon sa Saligang Batas. Pinagkaisahan si Sen. De Lima ng mga kaalyado ng Pangulo na sipain siya bilang chairperson ng Blue Ribbon Committee. At batay sa mga testimonya ng mga convicted prisoners, sinampahan ito ng kasong drug trafficking at hanggang ngayon siya ay nasa piitan. Iisa ang dahilan kung bakit inabot nila ang ganitong klaseng kapalaran: katulad ng Rappler, binatikos nila ang war on drugs.

Naisyu na ang arrest warrant noong Pebrero 12, pero kinabukasan pa ng hapon, kung kailan sarado na ang opisina ng gobyerno, nang ipatupad ito at dakpin si Ressa. Anumang pagnanais nito na makapagpiyansa ay wala na siyang nagawa. Wala nang mga hukom na magbibigay at mag-aapruba ng kanyang piyansa. Wala na siyang magawa kundi ang matulog sa piitan. Nauna na siyang inaresto noong Disyembre 3, 2018 kaugnay sa kasong tax evasion, bagamat hindi siya nagtagal sa piitan dahil nakapagpiyansa siya agad ng P60,000. Ang piyansang binayaran niya sa kasong cyber libel ay P100,000. Mahirap paniwalaan iyong sinabi ni Presidential Spokesperson Panelo na walang kaugnayan sa kalayaan sa pamamahayag ang bagong kasong cyber libel ng pinuno ng Rappler. Higit na kapani-paniwala na lahat ng panggigipit ay dinaranas ni Ressa dahil nakatagpo si Pangulong Digong na kagaya nina Trillanes, dating Chief Justice Sereno at Senador De Lima na matapang na sinasalungat siya. Binatikos ng Rappler, kung saan si Ressa ay CEO, ang war on drugs ng Pangulo na pumatay at pumapatay pa. Higit na karapatdapat kang Time Magazine’s “Person of the year” at freedom fighter.

-Ric Valmonte