Tinutugis ang isang lalaki nang patayin umano nito ang kanyang live-in partner sa Malate, Maynila, isang araw matapos ang Valentine’s Day.

PARTNER

Kinilala ang suspek na si Jervis Cabrera, nasa hustong gulang, security guard at residente ng Plaridel, Bulacan habang ang biktima ay si Jenny Rose Manila, 25, domestic helper, at residente ng Taal Street, Malate, Maynila.

Sa inisyal na imbestigasyon, bago ang insidente ay nakatanggap ang biktima ng mga tawag mula kay Cabrera at inimbitahan siyang maghapunan sa isang convenience store sa San Andres corner Tuazon St., Malate, Maynila nitong Pebrero 15, dakong 7:33 ng gabi.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Ayon sa awtoridad, lumabas ang biktima sa bahay at naglakad sa kahabaan ng San Andres St., at nakipagkita sa suspek sa tapat ng isang computer shop.

Mapapanood sa closed-circuit television (CCTV) footage na hinila ng suspek ang balikat ng biktima sa tapat ng jeep, ngunit pumiglas ang biktima.

Binunot ni Cabrera ang kanyang baril at makailang beses pinaputukan ang biktima hanggang sa bumulagta. Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek.

Ayon sa mga katrabaho ni Manila, nagpadala si Cabrera ng mga bulaklak at chocolate sa biktima nitong Valentine’s Day, ngunit tumanggi itong tanggapin.

Erma R. Edera at Mary Ann Santiago