SADYANG pinanood namin ang Apple of my Eye, na ipinalabas nitong Pebrero 14 nang hatinggabi sa iWant. Isinulat at produced ito ni Bela Padilla at idinirek ni James Mayo mula sa Dreamscape Digital.
Oo nga, pampa-good vibes lang ang Apple of my Eye. Kilig-kiligan na bumagay kay Krystal Reyes. dahil nakakakilig naman talaga si Marco Gumabao.
Tama si Bela na si Krystal ang gumanap sa pelikula, dahil fresh at probinsiyana look ang dalaga, na naka-relate naman sa role niya dahil totoong promdi siya.
Gusto namin ang dating ni Krystal sa screen dahil pleasant, parating nakangiti. Kahit na may conflict na sila ni Marco ay maganda ang pag-uusap nila sa Gunita Restaurant, na tagpuan nila.
Napakasimple ng istorya, the usual na boy meets girl, dahil nabangga ni Michael (Marco) si Apple (Krystal) habang sakay sa kanyangg scooter bike para mag-deliver ng bulaklak. Hanggang sa nagkapalitan sila ng contact number para pag-usapan ang mga babayaran ng binata, na nagulat dahil landline number ang ibinigay ng dalaga, wala kasi itong cell phone.
Pero sa totong buhay ay may cell phone naman si Krystal, ‘yun nga lang hindi pa rin siya techie, dahil ginagamit lang niya ito pangtawag at para manood ng Korean drama.
Gusto namin ang settings ng buhay probinsya ni Apple. Tahimik at old school ang ambience ng bahay kung saan naka-display sa bakuran ang mga tindang bulaklak, na malayang naaarawan at araw-araw na dinidiligan ng Papanong niya, na ginampanan ni Dennis Padilla.
Sobrang layo nito sa usong flowershop ngayon, na naka-aircon o nakalagay pa sa cooler ang mga bulaklak. Kaya mahal ang presyo dahil isinasama na ang bayad sa kuryente.
Medyo matagal din naming nakatsikahan si Krystal sa presscon ng Apple of My Eye kaya nang mapanood namin ang pelikula nila ni Marco ay nasambit naming na parang hindi naman siya umaarte. Siyang-siya ang kanyang karakter, pati sa pananalita, at higit sa lahat, walang malisya sa katawan.
Sabi ni Krystal, NBSB o no boyfriend since birth siya. Feeling namin kapag napanood itong digi film nila ni Marco ay baka may dumalaw na sa kanila para manligaw, tulad ng karakter ni Marco kay Apple.
Malay mo, Krystal, magkatotoo ang kuwentong Apple of my Eye sa ‘yo. Batay kasi sa panayam namin kay Marco, sinabi niyang mas gusto niya ang mga simpleng babaeng tulad mo.
Medyo busy lang ang aktor ngayon, kaya hindi pa niya maharap ang kanyang love life, bukod sa prioridad niya naman talaga ang career, sabi niya.
Naaliw lang talaga kami sa sarili namin dahil simula nang panoorin namin ang Apple of my Eye ay nakangiti na kami hanggang sa matapos ang pelikula. Totoo nga, walang bad vibes ang movie ni Direk James.
Try n’yong panoorin ang Apple of my Eye sa iWant anumang oras, araw at higit sa lahat, libre pa.
-REGGEE BONOAN