BAGO pa lamang pumasok ang nakaraang dekada ay marami nang pagsasaliksik ang ating mga sayantipiko na nagpapakita na anumang uri ng “reclamation” sa baybayin ng Manila Bay ay makasasama sa mga kabayanan sa palibot nito.
Ngunit sa kabila ng mga pag-aaral na ito ay itinakda pa rin – nakasalang na at sa tulong ng Executive Order 74 sa wari ko’y wala nang makapipigil pa sa pagsirang ito sa makasaysayang look sa ating bansa – ang 43 reclamation, na ang dalawa ay sa nasasakupan ng Maynila, tig-isa naman sa Pasay City at Cavite, at sa iba pang baybaying bahagi – na may kabuuang sukat na 265 hectares o 2,650,000 square meters.
Pakiwari ko pa nga ay ginawang panakip-butas lamang ang bukambibig ngayong “paglilinis” sa Manila Bay, na tumanggap ng papuri mula sa marami nating kababayan dahil sa nakita nilang malaki ang ipinagbago nito. Wala nga lang silang kamalay-malay sa mas matinding dumi na mababalik dito kapag naumpisahan ang 43 reclamation sa makasaysayang look.
Sa sobrang laki at lawak ng pagtatambak na gagawin dito, ang mga lugar sa buong Metro Manila at ang mga kanugnog lalawigan ng Bulacan, Bataan, Pampanga at Cavite ay siguradong mapapahirapan ng mga biglang pagbabaha ng tubig na galing sa dagat, daluyong (storm surges) tuwing uulan nang malakas o magkakabagyo, at ang biglang paglubog ng ilang lugar na “tinambakan” dulot ng phenomena na kung tawagin ay “liquefaction” o ang pagkalusaw ng lupa dahil sa biglang pagluwag nito sa ilalim kapag napasok ng tubig sanhi ng lindol.
Kabilang sa mga pantas sa siyensiya na nagbigay ng babala sa kapahamakang idudulot ng reclamation sa Manila Bay ay si Dr. Kelvin S. Rodolfo, scientist na gumawa ng mga pag-aaral hinggil sa bagay na ito, na ang pinakabago ay noong 2015 na may pamagat na – ‘On Geological Hazards that Threaten Existing and Proposed Reclamations of Manila Bay’. Siya ay isang Filipino-American “professor emeritus of Earth and Environmental Sciences” sa University of Illinois sa Amerika.
Lumutang ang pangalan ni Doc Kelvin - ito ang tawag ko sa kanya nang makilala ko siya sa Subic Bay - nang pumutok ang bulkang Pinatubo noong 1991 dahil sa walang mintis na hula niya sa sunud-sunod na mangyayari sa Pampanga dulot ng pagputok ng Pinatubo.
Kung hindi ako nagkakamali, sa balitang isunulat ko sa Inquirer unang lumabas ang katagang “LAHAR” matapos ko itong marinig kay Doc Kelvin, nang magkasama kami sa isang Huey Helicopter na umikot sa buong lugar ng Pampanga, ilang araw matapos ang makasaysayang pagputok ng Pinatubo.
Itinuro niya sa akin ang animo’y ulap na nakalambong sa palibot ng tuktok ng Pinatubo – at may pagkabahalang sinabi, “Ang kulay puti na ‘yan na natatanaw natin ay aagos pababa at tatabon sa malaking bahagi ng lalawigan kapag bumuhos ang malakas na ulan, at walang makapipigil sa pinsalang idudulot nito sa mga kabayanan!”
Makalipas lamang ang ilang linggo, naganap ang ikinabahala ni Doc Kelvin na pagdaloy ng LAHAR sa lahat ng lugar na itinuro niya sa akin habang kami ay sakay sa helicopter – ganyan kagaling ang kababayan nating ito na biglang nag-alsa balutan. Sa tingin ko ay sumama ang loob niya sa pagbalewala ng ilang opisyal ng pamahalaan noon sa mga inilatag niyang solusyon, upang mabawasan ang pinsalang dala ng LAHAR sa mga sinalantang kabayanan.
Ani Doc Kelvin sa isa niyang artikulo: “Today, it seems that science is again being blithely ignored by the financial interests and government authorities promoting the various reclamation projects. Will we never learn?”
Sa susunod na bahagi ay tatalakayin natin ang detalye ng panganib ng mga reclamation sa Manila Bay, base sa pag-aaral at pagsusuri ni Doc. Kelvin.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.