HINDI lamang ang tatlong taong panunungkulan ni Pangulong Duterte ang nakataya sa midterm election kundi maging ang kakayahan ng taumbayan na ipakita na sila ay maalam bumoto.
Ito ang pinakabuod ng talumpati ng mga kandidato ng oposisyon at pinangalanan nila ang kanilang grupo na “Otso Diretso”. Sinimulan nila ang kanilang kampanya sa pagbabahay-bahay sa Caloocan City. Ang Otso Diretso ay koalisyon sa pamumuno ng Partido Liberal, na binubuo nina Chel Diokno, Samira Gutoc, Pilo Hilbay, Bam Aquino, Gary Alejano, Romy Macalintal, Mar Roxas, at Erin Tanada. “Kami ang mga alternatibong kandidato,” wika ni Samira Gutoc.
“Sisikapin namin na sa pamamagitan ng aming kampanya ay maihatid sa maliwanag na paraan ang aming pagtutol sa mga paurong na polisya ng adminstrasyong Duterte, kabilang dito ang extrajudicial killings at tax reform law na naging dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa palagay ko ang manahimik ay hindi na opsiyon sa panahong ito. Sa marami nang naganap, wala tayong magagawa kundi ang tumindig at marinig. Testigo tayo sa pagkasira na ng maraming demokratikong institusyon,” sabi ni Human Rights Lawyer Chel Diokno. Si Chel ay anak ni dating Senador Jose “Pepe” Diokno. Maraming matalinong abogado sa kanyang panahon, pero sa akin, siya ang pinakamatalino. Ginamit niya ang batas hindi lamang kung ano ang sinasabi ng batas kundi ang diwa at dapat maging tungkulin nito sa lipunan, bayan, at mamamayan. Napakatalas ng kanyang isip sa pagtatanggol sa karapatan ng tao lalo na ang dukha at api.
Dala niya ang katangian at gawin ito nang manungkulan siya bilang senador. Dumadagundong ang kanyang boses sa bulwagan ng senado nang igiit niya ang kapakanan ng bansa at polisiyang nagbibigay ng magandang buhay sa sambayanan. Kaya, isa si Pepe Diokno sa unang ipinadakip ni dating Pangulong Marcos nang ideklara nito ang martial law. Pagkalabas niya sa piitan, ang una niyang ginawa ay itatag ang Free Legal Assistance Group (FLAG), na nagbigay ng libreng serbisyo legal sa mga inapi at biktima ng mga abuso. Laman siya lagi ng mga korte at idenedepensa ang karapatang pantao ng mamamayan. Si Chel ang nagpatuloy ng iniwan ng kanyang ama. Pinatakbo niya ang FLAG sa paraan, prinsipyo at paninindigan ng kanyang ama. Kahit ito ay dekana ng College of Law ng La Salle, aktibo siya sa pagtuturo sa mga kapwa niya abogado at pagharap sa mga korte para sa mga biktima ng war on drugs ng adminstrasyong Duterte. Nakasama ko siya nang kaming mga nasa FLAG at MABINI lawyers group ay humarap sa Korte Suprema bilang mga abogado ng mga guro na tinanggal sa serbisyo dahil sila ay nagwelga. Kasing elokwente ng kanyang ama nang ihayag niya ang depensa at kapakanan ng mga guro.
Ayon kay Diokno, ihahayag nila nang maliwanag sa mamamayan ang koneksiyon ng batas sa pagbubuwis ng adminstrasyong Duterte sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang kasama niyang humaharap sa taumbayan sa pagkasenador sa kanyang ikalawang termino na nasa kabilang bakod na si Sonny Angara ay siyang principal sponsor ng TRAIN. Sa panayam niya noon nang ipinagtatanggol niya ang TRAIN ay bubuwisan, aniya, ang nga mayayaman. Tamaan man umano ang mga ordinaryong mamamayan ay babalik naman ang ibinayad nilang buwis sa uri ng mahalagang serbisyo. Tumaas ang presyo ng mga bilihin, wala namang naramdaman ang mamamayan na kaginhawahan mula sa maganda at epektibo serbisyo ng gobyerno.
Masusubok ngayon ang kakakayahan ng mamamayan na gamitin ang kanilang kapangyarihang bumoto. Ang sukatan ay kung sino ang ilalagay nilang tao sa senado na taglay ang dunong, tapang at nag-aalab na puso para sa tao at bayan.
-Ric Valmonte