NAGPATAWAG ng pagpupulong ang Department of Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes sa mga alkalde ng Metro Manila at iba pang bayan at lungsod sa mga probinsiya sa paligid ng Manila Bay, bilang bahagi ng kabuuang pagsisikap na malinis ito makalipas ang ilang taong kawalan aksiyon na nauwi sa kasalukuyan nitong kalagayan.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nasa 178 alkalde ang inimbitahan sa pagpupulong. Wala pang partikular na planong pagkilos para sa mga alkalde. Ang pagpupulong ay paunang pagsisikap ng DILG upang suportahan ang rehabilitation program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pamumuno ni Secretary Roy Cimatu. Ngunit apat sa mga alkalde ng Metro Manila ang hindi dumalo, kasama ang iba pa sa 178 alkalde ng mga bayan sa paligid ng Manila Bay – sa Bataan, Pampanga, Bulacan, at Cavite.

Sumasalamin ang kanilang pagliban sa unang pagpupulong sa matagal nang pagpapabaya sa Manila Bay. Kapag nagpatuloy ang ganitong gawi ng mga alkalde, lalo na ang mga nasa Metro Manila, ang kabuuang pagsisikap na malinis ang Manila Bay ay nahaharap sa pagsubok.

Mahalaga ang suporta ng mga alkalde upang mapigilan ang polusyon sa Manila Bay. Sinimulan na ng DENR at iba pang national government agencies ang kampanya sa pagpapasara sa Manila Zoo at ilang kainan at hotel sa pagdiretso ng kanilang mga dumi sa Manila Bay, ang operation of treatment na inihanda ng dalawang water utilities ng Metro Manila, at ang pagbuo ng plano na paalisin ang daan-daang pamilya mula sa kasalukuyan nilang kinalalagyan sa kahabaan ng mga ilog.

Ngunit ang problema ng Manila Bay ay malaki na kinakailangang makiisa ng lahat ng lungsod at bayan sa paligid nito. Ito ang dahilan kung bakit nagpatawag ng pagpupulong ang DILG nitong Lunes. Matapos ang unang pagpupulong, magkakaroon pa ng mga susunod kung saan tatalakayin ang ilang plano.

Sinabi ni Secretary Cimatu na tatagal ng pitong taon bago matapos ang proyekto. Kinakailangan pag-aralan ang maraming proyekto sa iba’t ibang bahagi ng pagpaplano na maaaring palitan, gaya ng 10 mungkahing reclamation projects sa look.

Ang Korte Suprema, sa 2008 decision na nananawagan ng rehabilitasyon ng Manila Bay, ay nagbanggit ng 13 government agencies na may malaking papel sa kabuuang planong rehabilitasyon, kabilang sa mga ito ang DENR, DILG, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Local Water Utilities Administration (LWUA), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Health (DoH), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG).

Ngunit posibleng ang pinakamalaking papel ay gagampanan ng local government sa pangunguna ng mga alkalde ng mga lungsod at bayan na pangunahing pinagmumulan ng polusyon na sumira sa Manila Bay.