TODO pasalamat ang producers ng pelikulang Alone/Together nina Enrique Gil at Liza Soberano.

Enrique at Liza

“We’re putting our hearts up dahil kayo ang great love namin, Sheepmates! You guys really brought it, and we are beyond excited to have you all as our Valentine #AloneTogetherThisVDay,” caption sa picture nina Enrique at Liza na ipinost ng Black Sheep Productions.

Tumabo kasi ng P21,672,901.58 ang Alone/Together sa first day of showing nito noong Pebrero 13.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sa wakas, nakabawi ang Black Sheep pagkatapos ng sunud-sunod na pelikula nitong matamlay sa takilya, gaya ng To Love Some Buddy at Sakaling Maging Tayo.

Ang Exes Baggage ang unang pelikula ng Black Sheep na kumita, at pinagbidahan ito nina Carlo Aquino at Angelica Panganiban, sa direksiyon ni Dan Villegas. Itong Alone/Together ang ikalawang kumitang pelikula ng Black Sheep, na idinirek naman ng girlfriend ni Direk Dan na si Antoinette Jadaone.

Base sa obserbasyon namin ay parang mas kapado ng mag-dyowang direktor ang rom-com-drama films na kikita, o puwedeng sabihing kinikilig din siguro sila kapag nagdidirek ng nasabing mga pelikula.

At higit sa lahat, depende rin talaga sa artista, dahil pareho namang kakilig-kilig ang CarGel at LizQuen.

Ganito ang mga pelikulang hinahanap ng mahihilig manood ng sine. Gusto nila ‘yung kinikilig sila kapag nakakakilig, naiiyak sila kapag nakakaiyak, at natatakot sila kapag nakakatakot ang kuwento. Hindi puwedeng half-baked, ‘ika nga.

Ito ang obserbasyon namin sa mga pelikulang hindi kumikita na hindi gusto ng moviegoers. Hindi kasi nila maintindihan ang nararamdaman nila kapag nasa loob sila ng sinehan, kung matatawa, matutuwa, maiirita, matatakot o maiiyak.

Sabi nga ng actress-writer-producer na si Bela Padilla nang makausap namin siya sa presscon ng Apple of my Eye, tinatag siya at sinasabihan ng “give us quality films”.

“Lahat ng ginagawa naming pelikula quality film. Ang problema hindi naman lahat pinapanood, so dapat panoorin para makapag-produce ng maraming quality films,” paliwanag ni Bela.

Sabi naman namin ay namimili na ang manonood dahil sa mahal ng bayad sa sinehan, kaya hindi rin sila mapipilit na panoorin ang lahat ng local films.

Tulad nitong LizQuen movie, na kaya kumita ay dahil sa tulong ng marami nilang supporters, at may hatak talaga sila dahil malalaki na silang artista bukod pa sa kilala rin ang direktora, na hindi boring magdirek.

-Reggee Bonoan