LEGAZPI CITY – Lalong pinasigla ng pagdalo ng mga sikat na basketbolista ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP), kasama sina Ricci Rivero ng UP at Thirdy Ravena ng Ateneo University, sa pasinaya nitong Linggo ng Albay Second District Inter-Barangay Congressional Cup (CongCup) 2019, ang pinakamalaking ‘basketball tournament’ sa lalawigan.
Kasali sa CongCup ang 356 basketball teams at tinatayang 7,000 manlalaro, coaches at tagasanay. Pinakamalaki ang torneo na masasabi hindi lamang sa lalawigan kundi sa buong bansa.
Umaapaw ang crowd sa Centrum for Recreation dito para makiisa at makita ang kanilang idolo na nagsisilbi nilang inspirasyon.
Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, na siyang nagpasimula at nagtataguyod nito, ang kahanga-hangang partisipasyon sa palaro ay pahiwatig lamang ng pagkakaisa at pagkahilig sa basketball, at nangyayari lamang dahil sa pagkakaisa ng kalooban ng mga barangay, Kabataang Barangay, kabataan at mga pamayanan.
Pinasimulan ang CongCup noong 2017 na sinalihan ng 161 koponan, 320 ‘coaches’ at 1,930 manlalaro. Rekord na ito noon at labis pang nadoble pagkatapos ng tatlong taon. Pinasimulan ang palaro ng isang masiglang parada at masayang pasinaya nitong nakaraang linggo.
Walang kalaban si Salceda sa kanyang re-eleksiyon sa Mayo. Ayon sa kanya, sa nakaraang tatlong taon, 264 manlalaro ang masidhing nakapagsanay sa ilalim ng ‘Defenders of Faith,’ ang ‘resident basketball team’ ng 2DAlbay CongCup na ang karamihang kasapi ay umaasang magiging propesyunal na basketbolista.
Ang mga labanan ng liga ay ginaganap sa iba’t-ibang palaruan sa ika-2 distrito ng Albay. May apat na ‘division’ ang liga: 1) ang Junior Division na mayroong 143 kasaping kupunan; 2) ang Junior Team Bs na may 29 kupunan; 3) Senior Division na may 36; at 4) ang Senior Division Team Bs na may 48.
“Totoong naniniwala kami na ang Sports ay mahusay na nagbubuklod ng pagkakaisa tungo sa pagsulong. Pinatitibay ng palakasan ang tiwala sa sarili ng mga mamamayan,” pahayag ni Salceda.
Ang Albay 2DCongCup ay ginaganap simula Pebrero hanggang katag-arawan.
Pinuna rin ni Salceda na ang ‘Miss Inter-Barangay CongCup competition’ ay lumikha din ng rekord bilang pinakamalaking ‘beauty pageant’ sa bansa na nagsisilbi ring hagdan para sa magagandang kadalagahan tungo sa pagiging reyna ng kagandahan.