“DO not hurt our children.” Ito ang katagang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malabon noong nakaraang linggo, sa pagkakataong ipatatayo ang isang ospital. Katulad ng
nakagawian, siya ay nagkuwento ng kanyang karanasan bilang alkalde ng Davao City. Binigyan niya ng babala ang mga tulak droga na huwag saktan at sirain ang kinabukasan ng ating kabataan.
Tumatak sa aking isipan ang nasabing talumpati dahil sa tatlong taong giyera kontra droga, ito ang saglit na naging napakalinaw kung bakit nagbabaga sa poot ang ating “Mayor” ng Republika. Sa kanyang pagpapaliwanag ito ang kanyang pagsasalaysay. “Kung ang magulang ay kailangan dalhin sa pagamutan, sino ang sasama sa kanya? ‘Di ba anak? Kung may sakit ang magulang at payo ng doktor humimpil sa ospital, sino ang magbabantay sa kanila?
‘Di ba anak? Kung matanda na ang mga magulang at mabaho na kami, sino ang magpupunas o magpapaligo sa amin? ‘Di ba anak.
Kung dumating na ang kabanata na dadalhin na sa huling hantungan ang ating mga ina…ama…sino ang maghahatid at maglilibing sa kanila? ‘Di ba ang anak!”
Kaya ito ang naging sigaw ng Pamahalaan ni Duterte sa Davao, at magpahanggang ngayon – “Do not hurt our children.” Sinisira ng droga ang maselang kultura ng Pilipino sa pagbibigay respeto sa mga magulang, pag-aruga sa kanila at sa paghahatid sa huling hantungan.
Ganoon kalalim ang pananaw ng ating Pangulo. Bagay na hindi niya buong ipinaunawa sa mga Pilipino sa unang mga araw at taon ng kanyang panunungkulan. Marahil ito ang kanyang nadarama sa problema ng bansa sa droga, na sana ay napagtanto natin noong una pa lamang.
Malalim ang pinaghuhugutan ni Duterte lalo’t alam ng lahat kung gaano niya kamahal ang sarili niyang mga magulang. Magugunita ang larawan na unang inilathala sa pahayagan kung saan niyayakap nito ang puntod ng kanyang ina nang nagwagi siya bilang presidente ng Pilipinas.
-Aris Ilagan