HINDI nahirapan si Mika dela Cruz na humanap ng peg sa role niyang si Mia sa drama/fantasy series ng GMA 7 na Kara Mia, na magpa-pilot sa February 18, pagkatapos ng 24 Oras.
“Si Ate (Angelika dela Cruz) ang peg ko, wala nang iba, dahil siyang-siya si Mia na mabait pero may time na nagagalit, may sumpong at kung magalit ay ibang klase.
“Siya agad ang naisip ko na gawing peg nang mabasa ko ang karakter ko at kung ano ang mga gagawin ni Mia. Ever since, siyang-siya si Mia. Kaya ‘pag napanood ni Ate ang Kara Mia, maa-identify niya ang kanyang sarili. Hindi naman siguro siya magagalit sa akin,“sabi ni Mika.
May pagkakontrabida ang role at karakter ni Mika na si Mia kumpara sa kakambal niyang si Kara (Barbie Forteza) na mabait. Challenge ito kay Mika na na-identify sa mga mabait at inaaping role. Dito sa Kara Mia, ibang Mika ang mapapanood.
Physically challenging din kay Mika ang role niyang si Mia dahil sa mga eksenang nag-aaway sila o kaya’y inaaway niya si Kara at may struggle siya. Isa sa mahirap na eksena ni Mika ay ‘yung nakabitin siya sa overpass sa may circle sa Quezon Avenue.
“Harness lang ang inilagay sa akin, ang hirap ng eksena. First time na ginawa ko ‘yun,” kuwento ni Mika.
“Noong unang take, ‘di ko magawa. Mabuti na lang at wala akong fear of heights, kaya nagawa namin ang eksena na whole day kinunan ni Direk Dominic (Zapata).”Biggest break ito ni Mika so far, mula nang lumipat siya sa GMA 7, kaya tuwang-tuwa at nagpapasalamat siya sa network at sa creative team na pumili sa kanya to play Mia’s role.
Natanong si Mika na makakatapat ng Kara Mia ang FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin. Nilinaw ni Mika na hindi nila ginawa ang Kara Mia para talunin ang action series ni Coco.
“Gusto lang namin makapagbigay ng tuwa sa viewers, gusto namin magbigay ng ibang klase ng soap sa viewers, at sana pagbigyan kami ng viewers, panoorin kami at sigurado kaming masisiyahan sila. Hindi sila madi-disappoint,” wika ni Mika.
Natutuwa at nagpapasalamat si Mika sa netizens na gumagawa ng memes na click online ngayon. Nakakatulong sila sa promo ng Kara Mia na unang labas pa lang ng teaser, umingay na, kaya inaasahang magugustuhan talaga ang drama/fantasy series.
-Nitz Miralles