Dahil sa pagdami ng tinatamaan ng tigdas, nagtayo ang Philippine Red Cross ng Measles Care Unit sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Ayon kay PRC chairman at Senator Richard Gordon, layunin nitong mapaluwag ang San Lazaro Hospital at makapagbigay-ginhawa sa mga pasyente ng tigdas na isinusugod doon.
Nabatid na ang Measles Care Unit ay isang outdoor hospital setup na air-conditioned, may double deck beds, chairs, mini-emergency room at mayroon ding admission area.
Ang mga tents ay mayroon ding welfare desks para malaman ang pangangailangan ng pamilya ng mga pasyente.
Sinabi ni Gordon na ang extension ward na ito ay makatutulong sa mga pasyente lalo na’t siksikan at naghahati na ang dalawa hanggang tatlong pasyente sa isang kama sa San Lazaro Hospital.
Ilang oras naman simula nang buksan ang Measles Care Unit, umabot sa 23 pasyente ang inobserbahan at umabot sa 10 ang naka-admit dito hanggang nitong Miyerkules ng gabi.
Kaugnay nito, umapela si Gordon sa mga barangay sa Maynila na tumulong sa kanilang measles control program para mabakunahan ang mga bata sa kanilang lugar.
"Mga kasama, mga lider ng barangay. Kailangan namin ng tulong niyo para mabakunahan ang mga bata. Tulungan niyo kaming ihatid ang tulong ng Phil Red Cross sa inyong komunidad," ani Gordon, sa isang dayalogo na isinasagawa ng PRC at Department of Health (DOH) sa San Andres Complex sa Maynila, kaugnay nang pagdaraos ng community-based immunization program, kahapon.
Sinabi ni Gordon na sa ngayon ay 5,000 kabataan ang nasa mga pagamutan dahil sa tigdas, hindi pa kasama rito ang mga nasa tahanan kaya mahalagang matugunan agad ang problema.
Mary Ann Santiago