NAGLIPANA na naman sa buong bansa nitong mga nakaraang linggo ang iba’t ibang uri ng mga campaign posters at tarpaulins. Sa nakalipas na mga halalan, ipinagbabawal ito bilang maagang pangangampanya, ngunit sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang mga paglabag sa eleksiyon ay maaari lamang isampa sa opisyal na panahon ng kampanya. Samakatuwid, walang paglabag na maagang pangangampanya.
Opisyal nang nagsimula nitong Martes, Pebrero 12, ang 90 araw na panahon ng pangangampanya para sa mga kumakandidato sa pagka-senador at party-list sa Kamara de Representantes. Kaya naman maaasahan na natin ang pagpapatupad ng Comelec ng batas at mga panuntunan nito para sa nakatakdang halalan.
Sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na ang mga campaign materials katulad ng mga leaflet, card, mga bumper sticker at iba pang propaganda para sa halalan ay dapat naglalaman ng mga salitang “political advertisement paid for…” ng kandidato o partido.
Hindi dapat hihigit sa sukat na 2x3 feet o 3x2 ft. ang mga paskil at dapat na nakakabit ito sa mga itinalagang poster areas na tinukoy ng mga opisyal ng Comelec sa bawat lokalidad. Maaaring ikabit ang mga posters sa mga pribadong establisyemento o mga lugar basta may permiso sa may-ari, ngunit dapat na tugma ito sa pamantayang sukat.
Nagpapadala ngayon ang Comelec ng mga liham sa mga pulitikal na partido at mga kandidato, na naghihikayat sa mga ito na kusa nang tanggalin ang mga campaign materials na lumalabag sa panuntunan.
Marami nang kandidato, na malinaw na may malaking pondo para sa kampanya ang nagkakabit na ng kanilang mga posters at tarpaulin sa maraming lansangan ng lungsod at malinaw na labis sa itinakdang sukat na 3x2 o 2x3 ft. ng Comelec at labas din sa mga itinalagang common poster areas. Dapat na maipatupad na ng Comelec ang regulasyon nito sa lahat ng mga nabanggit na paglabag.
Nasa pinakaabalang panahon na ngayon ang Comelec. Kinakailangan nitong maiprenta ang nasa 63,622,481 balota, na ang 1,818,710 ay kinakailangan ng hansa bago sumapit ang Abril 13 para sa overseas absentee voters. Kinakailangan din ng Comelec ang panibagong 1,142, 063 balota na gagamitin naman sa pagte-test ng mga voting machine ng Comelec bago ito maisertipikahang handa para sa aktuwal na paggamit sa Araw ng Halalan.
Nakatutok na rin ngayon ang Comelec para sa mga paglabag sa limitadong ‘election spending.’ Ang kandidatong bahagi ng isang pulitikal na partido ay pinapayagang gumastos ng hindi lalampas sa tatlong piso kada botante; habang mga independent ay limang piso kada botante. Maaari namang gumugol ang mga pulitikal na partido at mga grupo ng partylist ng hindi lalampas sa P5 kada botante. Bawat kandidato ay kinakailangang magpasa ng isang ulat sa mga nagastos sa pagtatapos ng kampanya.
Maraming bagay ang kinakailangang bantayan ng Comelec at marami rin dito ang mahirap matukoy, katulad ng labis na paggastos. Ngunit kailangan may gawing aksiyon ang Comelec para sa mga lantarang paglabag, katulad ng mga labis sa sukat na mga paskil at tarpaulins, na nasa mga lansangan at highway upang makita ng lahat.