NAKATAKDANG makipagpulong si United States President Donald Trump sa dalawang Asyanong lider sa susunod na dalawa o tatlong linggo, pagpupulong na mahalaga para sa atin dito sa Pilipinas.
Makikipagkita siya kay North Korean leader Kim Jong Un sa Vietnam ngayong Pebrero 27-28, bilang pagpapatuloy ng kanilang naunang pulong hinggil sa panawagan ng North Korea sa “denuclearization” ng buong Korean Peninsula. Inaasahang wawakasan nito ang banta ng North Korea na magpadala ng mga nuclear missiles sa lupain ng US, na maaaring magpasiklab ng digmaang nukleyar na tiyak na madadamay ang Pilipinas, Japan, China, at ibang kalapit na bansa ng Korea.
Makikipagpulong din ang Pangulo ng Amerika kay Chian President Xi Jinping kung hahantong ang dalawa sa isang kasunduan sa kanilang trade war, na nagpapabagal sa paglago ng ekonomiya hindi lamang para sa dalawang sangkot na bansa, kundi gayundin sa iba pang bansa katulad ng Pilipinas na nagluluwas ng produkto sa dalawa. Matapos ang pagpapataw ng mga ganting taripa sa iniluluwas na produkto ng bawat isa, sinuspinde kamakailan ng dalawa ang anumang higit pang hakbang at itinakda ang Marso 1 para makamit ang isang kasunduang pangkalakalan.
Bagamat inaasahang direktang makaaapekto sa Pilipinas ang mga pagpupulong, ang panloob na isyu na patuloy na pumupukaw sa atensiyon ng bansa—kung muling magsasara ang pederal na pamahalaan ng Amerika ngayong Pebrero 15—dalawang araw mula ngayon.
Mahigit 800,000 empleyado ng US federal ang napilitang huminto sa pagtatrabaho sa pagsasara ng karamihan ng mga ahensiya ng pederal, partikular ang Homeland Security, noong hatinggabi ng Biyernes, Disyembre 2, 2018, sa pagtanggi ni President Trump na lagdaan ang budget na inaprubahan ng Kongreso dahil hindi laman ang $5.7 bilyong kanyang hinihingi para sa pader na nais niyang itayo sa hangganan ng US at Mexico.
Makalipas ang ilang linggong pagkahinto o pagbagal ng operasyon ng maraming ahensiya sa Amerika, kabilang ang mga paliparan, pumayag si Trump na muling buksan ang mga ahensiya ng pamahalaan ngunit hanggang Pebrero 15 lamang. Sa nabanggit na araw ang mga kabubukas lamang na ahensiya ay namemeligrong muling magsara habang mapipilitang pauwiin ang kanilang mga empleyado. Nakadepende ang lahat kay President Trump—kung isusuko na niya ang kanyang pader o maninindigan siya sa harap ng pagtanggi ng Kongreso na maglaan ng $5.7 bilyon para rito.
Sa kanyang State of the Union address nitong nakaraang Martes, Pebrero 5, nanawagan si Trump sa Washington upang isantabi ang “revenge, resistance, and retribution”—bilang pagtukoy sa kontrobersiya ng pader. At nanawagan din siya para wakasan ang “ridiculous partisan investigations”—na tumutukoy naman sa pag-iimbestiga ng Kongreso sa pakikialam ng Russia sa presidential campaign ni Trump noong 2016.
Sa kanyang pader, nangako siyang, “I will build it,” ngunit walang nabanggit hinggil sa palugit na Pebrero 15 na kanyang ibinigay sa pagpapasara muli ng pamahalaan kung patuloy na tatanggihan ng Kongreso ang hinihingi niyang $5.7 billion upang itayo ito.
Sa Biyernes na ito ng hatinggabi—o Sabado ng tanghali sa oras natin—at matutunghayan ng mundo kung malulutas ng Estados Unidos , na nag-iisang superpower sa mundo, na tinitingala ng bawat bansa sa daigdig, kabilang tayo , na may malaking pagrespeto, ang sarili nitong problema sa pader.