May hanggang bukas na lang ang mga kandidato para baklasin ang kanilang mga illegal campaign posters.
Ito ang babala ngayong Miyerkules ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, sa ikalawang araw ng kampanya para sa mga kandidato sa pagkasenador at party-list groups.
Ayon kay Jimenez, hanggang bukas na lang ang ibinigay nilang grace period para magbaklas ng mga illegal campaign materials ang mga kandidato, at ang mga mabibigong gumawa nito ay maaari nang sampahan ng election offense.
“They will have at least Thursday to take those campaign materials down,” sinabi ni Jimenez sa isang forum sa Maynila ngayong Miyerkules.
Sinabi pa ni Jimenez na sa Biyernes ay sisimulan na nila ang pagdodokumento ng mga posters na hindi nabaklas ng mga kandidato, at lumalabag sa takdang sukat at wala sa common poster areas.
“Hindi nila puwedeng sabihin na hindi ako ang nagkabit niyan, kasi sino ba ang nagbebenepisyo riyan?” sabi ni Jimenez. “If they are aware of the presence of these illegal campaign materials and they did not take them down, then we will presume that they are taking advantage of the criminal act since they are benefiting from it. They are as just as responsible as those who did it.”
-Mary Ann Santiago