Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

4:30 n.h. -- Blackwater vs Alaska

7:00 n.g. -- Magnolia vs Rain or Shine

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

NAKATAKDANG itaya ng Rain or Shine ang nakamit nilang pangingibabaw sa standings sa pagharap sa Magnolia sa tampok na laro ngayong gabi ng 2019 PBA Philippine Cup sa MOA Arena sa Pasay.

Matapos matalo sa Blackwater sa ikatlo nilang laban, nagposte ng apat na sunod na panalo ang Elasto Painters, pinakahuli noong Linggo kontra sa dating walang talong Phoenix Pulse, 98-94 na nagluklok sa kanila sa liderato taglay ang barahang 6-1.

Ganap na 7:00 ngayong gabi pupuntiryahin ng ROS ang ikalimang sunod nilang panalo na magpapatatag sa kanilang pamumuno.

Sa kabila ng kanilang pag-angat sa ibabaw at naitalang winning run, naniniwala si coach Caloy Garcia na hindi nila kailangang maging kampante kung gusto nilang manatiling namumuno.

“We can’t be complacent. We know it gets harder every game,” aniya.

“We cannot make pagod as an excuse. We’re not only looking at just one person, we’re looking for a whole team effort.”

Sa kabilang dako, inaasahan naman ni coach Chito Victolero na maipapakita na ng Hotshots ang tunay nilang laro bago pa sila tuluyang mabaon sa ilalim.

“Right now, we have to have that sense of urgency. Kailangan na naming mag-start mag-laro ng laro namin. Kasi mahirap malubog,” pahayag ng 2018 Baby Dalupan Coach of the Year awardee.

Ayon kay Victolero, malayo pa ang Hotshots sa pormang nais niyang makita.

“Wala pa talaga kami sa rhythm at sa timing,” dagdag nito.

Back-to-back wins naman ang target ng koponan ng Alaska sa pagtutuos nila ng patuloy sa pagbulusok na Blackwater sa unang laban ganap na 4:30 ng hapon.

Tinalo ng Aces ang Columbian Dyip noong Miyerkules, 94-72 upang makabawi sa pagkatalo sa nauna nilang laro.

Magtatangka namang makaahon mula sa kinalalagyang ilalim ng stadings ang Elite na dumanas ng ikalima nilang talo sa kanilang pang-anim na laro noong Sabado sa kamay ng Barangay Ginebra, 67-85 sa larong idinaos sa Davao del Sur.

-Marivic Awitan