NANINIWALA akong likas na mabubuti ang mga Pilipino. Sa kabila ng pagiging mapagduda ng ilan, at ng sarili nating pagkahumaling sa “self-flagellation”, ipinakita ng mga Pilipino na mayroon silang malasakit at gagawin ang dapat para sa kabutihan ng bansa. Tayo ay bansa ng mga makabayan.
Ito ang napatunayan nitong Enero 27, 2019, nang aabot sa 5,000 volunteers ang nakiisa sa solidarity walk patungong Manila Bay at nangakong magbo-volunteer ng ilang oras at ilang araw upang tuluyan nang malinis ang tanyag na pasyalan.
Noon, ang pamamasyal ng mga pamilyang Pilipino tuwing weekend ay lagi nang tungkol sa pagpunta sa Luneta Park at paglalakad sa gilid ng Roxas Boulevard upang mapagmasdan ang pambihirang ganda ng tanawin sa Manila Bay, lalo na ang sikat na takipsilim nito. Makikita ang pami-pamilya habang ine-enjoy ang pagbabagong-kulay ng kalangitan at ang malamig na simoy ng hangin, ang mga magkasintahang hindi alintana ang iba, at ang mga batang naghahabulan sa hindi kalayuan. Noong mga panahong iyon, hindi kakatwa na makakita ng mga taong naglalangoy sa malamig na tubig ng lawa.
Pero hindi natin napangalagaan ang Manila Bay. Sa loob ng maraming taon, napabayaan ang kalidad ng tubig ng lawa, kumitid ang dalampasigan, sinaid ang mga lamang-dagat, at naglaho ang biodiversity.
Gaya ng binigyang-diin ng maybahay kong si Senator Cynthia Villar, kahit pa namagitan na ang Korte Suprema noong 2008 sa pagpapalabas ng kautusan na nag-oobliga sa gobyerno na isakatuparan ang tungkulin nitong linisin ang Manila Bay, lumala pa ang sitwasyon. Sinabi ni Cynthia na ang lawa ngayon ay limang beses pang mas marumi kumpara sa kalagayan nito noong 2008 nang atasan ng Kataas-taasang Hukuman ang 13 ahensiya ng pamahalaan na ibalik ang lawa sa dati nitong sitwasyon na “fit for swimming and other forms of recreation”.
Gaya ng karamihan sa mga problema ng ating bansa, ang paglilinis sa Manila Bay ay hindi lamang tungkulin ng gobyerno. Nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng mamamayan. Unang-una, ang mga tao rin naman talaga ang pangunahing naging dahilan ng problema, kaya tama lang na maging bahagi sila ng solusyon.
Ayon sa Partnerships in Environmental Management for the Seas of East Asia (PEMSEA), karamihan sa dumi sa lawa ay mula sa “land-based human activities, including the discharge of municipal, industrial and agricultural wastes, land runoff and atmospheric deposition”. Mahalaga rin na tinukoy nilang “about 21 percent of the organic pollution load to Manila Bay come from the Pasig River basin, with 70 percent of this load derived from households”.
Sa paglilinis sa Manila Bay, kailangang magtulungan ang gobyerno, ang pribadong sektor, at higit sa lahat, ang mamamayan. Kailangang magpakita ang pamahalaan ng paninindigan sa pagpapatupad sa mga batas pangkalikasan. Partikular na dapat nitong kontrolin ang mga reclamation projects na nagpapalala sa problema. Bukod naman sa pagsuporta sa mga inisyatibo sa paglilinis sa lawa, dapat ding tiyakin ng pribadong sektor na hindi ito nakadadagdag sa problema sa pagtatapon ng dumi na nagpalala sa polusyon sa lawa.
Mahalagang gawin ng mamamayan ang kanilang bahagi. Tigilan na natin ang masamang gawain sa larangan ng solid waste management. Dapat na imulat ang publiko sa kahalagahan na maging matagumpay ang rehabilitasyon sa lawa. At dapat na mas marami pang tao ang payagang mag-volunteer para sa sama-samang paglilinis.
Ang volunteerism o bayanihan ang pinakaakmang paraan ng pagresolba sa mga problema ng komunidad dahil iisa lang ang hangaring nagbubuklod sa kanila—ang isalba ang kalikasan. Higit sa ano pa man, hinihikayat ng volunteerism ang pagkakaisa para sa iisang layunin. Pinag-iibayo nito ang mahahalagang kaugaling gaya ng pagkakaisa, pagganti ng kabutihan, at pagkakaroon ng tiwala sa isa’t isa. Sa panahong pinagtatalunan ng mga tao sa social media ang halos lahat ng bagay, kailangan natin ang iisang layunin upang maipakita na nagkakasundo tayo sa iisang bagay.
Umaasa akong mapapanatili ang diwa ng bayanihan na ipinakita ng lahat sa paglilinis sa Manila Bay. Inaasam ko na sa lalong madaling panahon ay ligtas na muling makapaglulunoy sa lawa ang pami-pamilya.
-Manny Villar