Hinikayat ng Commission on Elections ang publiko na kaagad na i-report sa kanila ang mga makikitang illegal campaign materials sa mga lansangan.
Ito ay kasunod ng pagsisimula ng campaign period para sa mga senatorial at party-list groups para sa eleksiyon sa Mayo 13.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ngayong panahon na ng kampanyahan ay bawal na ang pagpapaskil ng campaign materials sa mga lugar na hindi deklaradong common poster areas, gayundin ang mga campaign materials na mas malaki sa sukat na itinatakda at pinapayagan ng poll body, alinsunod sa Comelec Resolution No. 10488.
Kahit sino naman, aniya, ay maaaring mag-report sa Comelec ng illegal campaign materials, sa pamamagitan ng pagkuha ng larawan nito at pagpapaskil sa social media, gamit ang hashtag na #SumbongSaComelec.
Dapat din umanong tukuyin ng sender kung paano nalabag ng nasabing litrato ang guidelines ng Comelec, at ilagay sa caption kung saan matatagpuan ang naturang illegal campaign material.
Una nang naglabas ng notice ang Comelec sa mga kandidato na baklasin ang kanilang mga campaign materials sa mga lansangan bago ang pagsisimula ng campaign period, at nagbigay pa ng hanggang tatlong araw na palugit.
Samantala, ipinagbabawal ang anumang political at campaign materials at activities sa mga simbahan na sakop ng diocese ng Balanga, Bataan.
Sinabi ni Balanga Bishop Ruperto Santos na mayroon silang inilabas na pastoral directive na walang anumang political tarpaulins na makikita sa mga patio at maging sa mga bakod ng simbahan.
Pinahintulutan naman ang mga lay parish officials na magtrabaho para sa mga kandidato, ngunit dapat munang maghain ng leave of absence ang mga ito, ayon sa obispo.
Mary Ann Santiago