ANG Nuestra Señora de Candelaria (Our Lady of Candelaria) o mas kilala bilang Silang Church ay ikinokonsiderang pinakamatandang nakatayong istruktura ng kolonyal baroque architecture sa Cavite, isang tunay na likhang arkitektura.

Dahil sa kaugnayan nito sa mga makasaysayang kaganapan, idineklara ang simbahan at ang retablos nito o altar bilang National Cultural Treasure (NCT) ng National Museum noong 2017.

Bilang NCT, ang simbahan ay makatatanggap ng “protection and priority on heritage management projects from the national government,” pagbabahagi ni Phillip Lacson Media, pinuno ng “Sumilang” Fiesta Executive Committee at miyembro ng Silang Heritage Council, sa Philippine News Agency (PNA) kamakailan.

Ang makasaysayang halaga ng simbahan, ang authenticity at natatanging ganda ng mga gawang kahoy, dagdag pa ang pagkakatugma-tugma ng mga dekorasyon nito sa istilong baroque na simbahan at ang retablos ng simbahan, ang nagpapatunay sa pagkilala ng National Museum.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Aniya, ang mga retablos ng simbahan, na binuo pa noong ika-17 siglo, ay “a unique testament to Filipinos’ creativity and indomitable spirit”, na nagtatampok ng mga katutubo at lokal na elemento na ginagamit sa mga kolonyal na sining.

Matapos ang deklarasyon nito noong 2017, natanggap ng simbahan ang NCT brass marker, na pormal na ipinasilip sa mamamayan ng Silang nitong Pebrero 3, kasabay ng pagdiriwang ng “Sumilang” sa bayan.

Ang pagtutulong ng Silang Parish Council para sa Culture and Heritage at ang lokal na pamahalaan ng Silang, para sa komemorasyon ang ikatlong natatanging tanda ng simbahan, dagdag sa nauna nang historical marker na iginawad noong 2008 ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP); at ang pilgrim church marker mula sa Diocese of Imus na ibinigay noong 2012 bilang bahagi ng Golden Jubilee celebration ng dioceses.

Dumalo naman sa komemorasyon ang iba’t ibang dignitaries, sa pangunguna ni Deputy Head of Mission of the Spanish Embassy Amaya Fuentes, at ang mga lokal na opisyal, sa pangunguna ni 5th District Rep. Roy Loyola.

Nilagdaan naman ni Silang Mayor Emilia Lourdes Poblete ang dokumento ng deklarasyon, kasama nina Bishop Evangelista at Fr. Dimaranan at National Museum representative Raquel Flores, na nasaksihan din ng mga kinaktawan ng probinsiyal na pamahalaan ng Cavite, ang Spanish Embassy to the Philippines, ang Intramuros Administration, at ang pangulo ng Cavite Historical Society, dating Prime Minister Cezar E.A. Virata.

Itinatag ang bayan bilang parokya noong Pebrero 3, 1595.

Ang dedikasyon ng simbahan sa Nuestra Seǹora de Candelaria ay pinangunahan ng mga Heswita, base sa kuwento ni Murillo Verlarde, kung saan natagpuan ng isang Andres ang imahe ni Virgin Mary sa kabundukan ng Silang noong 1640.

PNA