MAGANDA ang Elise na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez at Enchong Dee, sa direksiyon ni Joel Ferrer under Regal Entertainment.
Pero habang nagsisimula pa lang ang word of mouth mula sa ilang nakapanood at nagandahan, pinull-out na agad ito ng mga sinehan. Kaya ang mga manonood pa lang nitong weekend, nagtatanungan kung bakit wala na sa mga sinehan ang Elise.
Ang dahilan, una, tulad ng marami pang ibang pelikulang “slow burn” o hindi agad dinudumog ng moviegoers na kadalasang naghihintay ng rekomendasyon ng mga kaibigan.
Pangalawa, ang pinansin ni Ogie Diaz sa kanyang OMJ radio show sa DZMM last weekend na maling opening day ng mga pelikula tuwing midweek o Miyerkules.Isa ito sa mga dapat pag-usapan sa industry summit na iminumungkahi namin.
Matamlay o matumal ang local movie industry. Ang mas malala pa ngang sinasabi ng ilan, dying na raw. Pero hangga’t ipinagkikibit-balikat ng industriya ang mga problema at hindi pinag-uusapan ang measures na makatutulong, baka nga tuluyan na itong mawalan ng mga manonood at matulad sa komiks.
“Sana ilipat ng weekend ang first day of showing, hindi Wednesday,” simulang wika ni Ogie sa OMJ.
“Kasi Wednesday, nasa school at nasa office (ang inaasahang audience), wala naman manonood talaga.
“Ang nakakalungkot, first day of showing, kapag pinalabas ‘tapos ilan ang tao sa sinehan, anim... kinabukasan ay wala na iyong pelikula kasi pinalitan na.”
Nauunawaan niya na negosyo ang punto ng theater owners, pero nanawagan si Ogie ng mutual growth ng mga may-ari ng sinehan at producers.
“Babagsak talaga ‘yang mga sinehan kung mismong mga theater owners ang hindi tumulong para manghikayat na manood ng mga lokal na pelikula,” sabi niya.
Kinontak namin kahapon si Ogie tungkol dito.“Saka liitan ang sukat ng sinehan,” dagdag niya.
“’Yung mga sukat ngayon, ‘yan ang sukat dati na wala pang Netflix, iFlix, HOOQ, iWanTV.“Saka nagsasarahan ang mga snack bars sa labas ng sinehan dahil walang nanonood. Paano matutulungan ng malls ang mga renters nila kung hindi nila tutulungan ang mga itong mang-engganyo ng moviegoers?” karagdagang obserbasyon ni Ogie.
Pero ang pinakamalaking problema sa local entertainment industry, may nakikinig pa ba sa ganitong magagandang proposals
-DINDO M. BALARES