“PERO ito ay pelikula lang. Hindi ito pulitika,” wika ni Robin Padilla, sa kanyang pelikulang ‘Bato: The Gen. Ronald dela Rosa story’. Nasabi ito ni Padilla dahil boycott laban dito ang dagling reaksiyon sa Facebook. Napuno ang Facebook ng mga larawan ng mga sinehang walang nanonood sa naturang pelikula. Ang film director na si Lore Reyes ang isa sa mga naunang nanawagan ng boycott. Dahil dito, binatikos siya ng mga tagasuporta ni Pangulong Duterte, pero wika niya: “Naninindigan ako sa aking mga prinsipyo at patuloy kong babatikusin ang masamang pamamahala, pandarambong sa kaban ng bayan, ang nangingibabaw ng kawalan ng katarungan, takot at pananakot.”
Matapos ang isang araw, inalis agad ang pelikula sa mga sinehan sa Greenbelt sa Makati.
Nitong nakaraang araw, nakipagkita si dating PNP Chief Dela Rosa kay Bishop Rolando Tria Tirona, ng Archdiocese ng Caceres. Dahil sarilinan ang kanilang pag-uusap, ang iniulat ay ang kanyang sinabi sa mga mamamahayag. Humingi umano siya ng kapatawaran sa lahat ng napatay sa war on drugs, dahil binabagabag siya ng kanyang konsensiya. Kahit hindi umano siya ang bumaril at pumatay, pero nangyari ito sa panahon ng kanyang pamumuno sa PNP.
Ayon sa kanya, lagi siyang humihingi ng tawad sa Diyos at spiritual guidance sa tuwing may napapatay sa kanilang war on drugs ng Pangulo. Ginawa kaya ng heneral ang mga ito para masabing kapani-paniwala ang pelikulang naglalarawan sa kanyang tunay na buhay? Nauna iyong pagpapalabas ng pelikula sa pakikipag-usap niya sa bishop at sa kanyang mga sinabi hinggil sa paghingi niya ng kapatawaran.
Sa mga film critics, hindi ito umubra. Wika ni Philbert Dy sa kanyang blog: “Nais ng pelikula na ipaalam sa inyo na mahinahon at magaling siya sa pagpatay pero, tutungo siya agad sa simbahan at iiyak pagkatapos makapatay. Maraming bagay na isiniksik sa pelikula, at kumukha lang ako ng munting aliw sa katotohanan na hindi ito gaanong nakakakumbinse.”
Hindi nakatutulong ang pelikula sa kandidatura ni Dela Rosa. Bukod sa nakikita nila na ito ay isang uri ng fake news, mabigat na bagahe ang kanyang taglay sa pagiging kandidato ni Pangulong Duterte. Ang puna sa pelikula ay hindi lang nakaaapekto kay Gen. Bato, kundi tumatagos pa ito kay Pangulong Digong. Atas kasi nito, kaya nag-resign ang heneral, na kumandidato sa pagkasenador. Ang heneral ang nangunguna sa listahan ng mga kandidato na inendorso ng Pangulo.
Katunayan, sa pagtitipon sa Pasay Sports Center, na dinaluhan ng mga opisyal ng local government units, kasama si Gen. Bato nina Tolentino, Bong Go at Freddie Aguilar na ikinampanya ng Pangulo nang ito ay magsalita.
Dahil dito, nag-withdraw ng kandidatura si dating Presidential Spokesperson Harry Roque. Sa kabila kasi na siya ay dumalo sa nasabing pagtitipon, hindi nangyari ang kanyang inaasahang ieendorso siya ng Pangulo.
Nang hinahanap ng Pangulo ang heneral, may sumigaw na kasama ni Sen. Pacquiao sa Las Vegas. Totoo na nasa Las Vegas ang heneral at nasapul siya ng kamera na sinisita ng security dahil gusto niyang pumasok sa ring pagkatapos ng laban para ibigay ang championship belt kay Pacquiao. At nang makapasok siya, pinasan niya si Pacquiao, na ikinagulat nito.
Tulad ng kanyang pelikula, ang ginawang ito ng heneral ay hindi nakabuti sa kanyang kandidatura. Ang kanyang pelikula ay animo’y kasama sa mga napatay sa war on drugs nang nilangaw.
-Ric Valmonte