Nakitaan ng piskalya ng probable cause ang reklamong isinampa ng pulis laban sa babaeng Chinese na nagsaboy ng taho sa kanya makaraang pagbawal niya itong pumasok sa istasyon ng MRT sa Mandaluyong City.
Batay sa isang pahinang resolusyon na inilabas ngayong Martes ng Mandaluyong City Prosecutor’s Office, inirekomenda ni City Assistant City Prosecutor Leynard Dumlao ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Article 148 ng Revised Penal Code, o direct assault on agent of person in authority, na inihain ni PO1 William Cristobal laban sa estudyanteng Chinese na si Zhang Jiale, 23 anyos.
Inaprubahan naman ito ni City Prosecutor Bernabe Augustos Solis.
Ibinasura naman ng prosecutor ang reklamong disobedience, gayundin ang unjust vexation laban sa dayuhan, dahil resulta na lang umano ito ng ginawang direct assault kay Cristobal.
Walang tinukoy na halaga ng piyansa ang piskalya para sa paglaya ni Zhang, bagamat sa isang panayam sa radyo, sinabi ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na ang direct assault ay may katumbas na piyansang P12,000.
IPADE-DEPORT
Nakakulong pa rin sa Mandaluyong City, inirekomenda na rin ng legal division ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapa-deport kay Zhang.
“Our legal team saw that there was probable cause to file a deportation case against her. The BI can file a case motu proprio, especially since there are photos showing what happened,” sabi ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI.
Oktubre 2018 nang dumating sa bansa si Zhang, na may special resident retiree's visa.
IPINAGTANGGOL
Samantala, makaraang humingi ng paumanhin sa publiko tungkol sa kanyang ginawa, nanawagan ngayong Martes ang foster parent ni Zhang na si Oscar Saplaco sa ilang istasyon ng radyo sa Pangasinan na bigyan ng pagkakataong makapagpatuloy at makapagtapos ng pag-aaral ang dayuhan.
Personal na nagtutungo sa mga istasyon ng radyo, nakiusap si Saplaco na bigyan ng pagkakataon si Zhang na maipakitang nagsisisi ito sa ginawa at huwag nang husgahan, lalo na ng netizens.
Ayon kay Saplaco, bago ang insidente ay isang linggong nagkasakit si Zhang na mag-isa sa tinitirahan nito, bukod pa sa aburido sa tumambak na assignments na hindi nagawa dahil sa pagkakasakit.
Sinabi pa ni Saplaco na likas na mabait si Zhang, walang bisyo, hindi naglalalabas ng bahay, at mahilig magbasa.
“Gusto lang niya makapagtapos sa kanyang kurso as fashion designer, at mas nanaisin niyang manatili sa Pilipinas dahil nakita niya ang kabutihan ng mga Pinoy,” ani Saplaco.
Mary Ann Santiago, Mina Navarro, at Liezle Basa Iñigo