SA kalendaryo ng Simbahan, ang ika-11 ng Pebrero ay pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes. Tampok sa mga simbahan sa iba’t ibang parokya ang misa na kasunod ang prusisyon. Kasama ang mga miyembro ng kapatiran sa Mahal na Birhen ng Lourdes at ang may panata at debosyon. At sa kalendaryo naman ng ating mga National Artist o mga Alagad ng Sining, ang ika-11 ng Pebrero ay paggunita at pagdiriwang ng kaarawan ng National Artist sa musika na si Maestro Lucio D. San Pedro –ang composer o sumulat ng mga awit at tugtuging “Kayumangging Malaya” at “Sa Ugoy ng Duyan”, awiting iniuukol at iniaalay sa lahat ng mga ina sa buong daigdig. Siya rin ang sumulat ng mga religious song na inaawit sa mga simbahan sa buong bansa.
Bilang pagpapahalaga sa kaarawan ni San Pedro sa Angono, Rizal, na bayan niyang sinilangan, hindi nakalilimutang magdaos ng konsiyerto ng banda ng musiko. Tampok sa konsiyerto ang Angono National Symphonic. Ang konsiyerto ay ginanap sa Angono Lakeside Eco-Park, Barangay San Vicente.
Sa nasabing konsiyerto ng Angono National Symphonic Band, kabilang sa mga tugtugin at komposisyon ni Maestro Lucio D. San Pedro, tampok ang “Ikaw Nga ang Bayan Ko (Himno Angono) at “Taga-Angono Ako”.
Binigyang-buhay at tinugtog ng Angono National Symphonic ang “Suite Pastorale”. Tampok sa komposisyong ito ang mga awiting “Abot Tanaw”, “Dapit-Hapon”, “Pista sa Nayon”, at “Sa Ugoy ng Duyan”.
Sa ikalawang bahagi ng konsiyerto ay binigyang-buhay ang oberturang “The Voyage”. Ang band conductor ay si Giuseppe Andre V. Diestro. Tampok din ang pag-awit ng soprano ni Mary Grace Soleil I. San Pedro, apo ng National Artist. Inawit niya ang “Mutya ng Pasig”. Sinundan ng tugtuging “Pandango sa Ilaw”, na isinaayos ni San Pedro at ang band conductor ay si Jonald John C. Prades. Binigyang-buhay din ang awiting “Silayan”, na isinaayos ng National Artist at ang band conductor ay si Giuseppe Andre V. Diestro. Gayundin, ang tugtuging martsa na “Watawat ng Kagitingan”, na komposisyon ni Propesor Manuel San Pedro Bautista.
Masasabing si San Pedro ay ang tanging kompositor na dumakila sa diwa at damdaming Pilipino, sa paggamit ng mga awiting-bayan. Sa kanyang komposisyon, bakas at madarama ang kanyang pagiging makabayang manlilikha ng musika. Mararamdaman sa kanyang mga komposisyon ang tinig at kaluluwang Pilipino.
Ang musika ay ang wika ng kaluluwa. Kaya sa mga kinathang awitin at tugtugin ni San Pedro, masasalamin ang uri ng kaluluwang ipinagkaloob sa kanya ng Maykapal at ang mga katangian ng ating bayan. Mula sa walang kamatayang “Sa Ugoy ng Duyan” (lyrics ni Levi Celerio na isa ring National Artist), na inialay niya sa kanyang ina at sa lahat ng mga ina sa buong mundo, hanggang sa “Lahing Kayumanggi”, “Sa Mahal Kong Bayan”, “Kayumangging Malaya” at marami pang obertura, himno at awit-pansimbahan, si Maestro Lucio D. San Pedro ay isang maningning na tala sa langit-langitan ng mga dakilang Alagad ng Sining. Sa kanyang mga komposisyon, hindi nalilimutan ni San Pedro na magpasalamat. Ginagawa ito ni San Pedro sa pamamagitan ng pagpirma ng salitang “Deo Gratias”. Sa dulo ay may tatlong tandang padamdam (exclamation point). Kumakatawan sa Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Ispiritu Santo.
Katulad ni Carlos Botong Francisco , a National Artist sa visual arts, si San Pedro ay masasabing tunay na dangal at yaman. Hindi lamang ng Angono, kundi ng Pilipinas
-Clemen Bautista