NAGLABAS noon ang isang prestihiyosong international professional services network na PricewaterhouseCoopers (PWC), na nakabase sa London, ng ulat tungkol sa prediksyon nito para sa economic and financial landscape ng mundo sa taong 2050 at bahagi ng konklusiyon nito ang magandang interes para sa atin sa Pilipinas.
Sa ulat na may titulong “The Long View: How Will the Global Economic Order Change by 2050?”, inaasahang mawawala sa kamay ng mga kasalukuyang matatag na ekonomiya sa North America, Europa at Japan ang pandaigdigang kapangyarihan sa ekonomiya sa susunod na 35 taon patungo sa China at India. Nakikitang magkakaroon ang China ng pandaigdigang gross Domestic Product (GDP) sa Purchasing Power Party (PPP) na 61,079; kasunod ang India, 42,205; at ang Amerika, 41,484.
Sinusundan ito sa listahan ng mga bansa ng Indonesia, 12,210 GDP; Brazil, 9,164 GDP; Mexico, 8,014 GDP; Japan, 7,914 GDP; Russia, 7,575 GDP; at Nigeria, 7,345 GDP.
Ang Pilipinas, na nasa ika-28 sa listahan noong 2014 na may 695 GDP, ay nakagugulat na inaaasahang magiging No. 20 sa 3,516 GDP sa 2050, angat kumpara sa mga kapwa miyembrong bansa ng ASEAN ang Thailand, Vietnam, Bangladesh, at Malaysia. Sa pagtingin ng international economic at financial institution na ito, tayo ay mapapabilang sa 20 pinakamayamang bansa sa mundo.
Hindi natin kailanman naisip na tayo ay isang mayamang bansa, ngunit maaaring nakita sa pagtatayang ito ng PWC ang ating potensiyal na ngayon ay nagiging malinaw na. Isa sa mga nakikitang salik dito ang paglipat ng pandaigdigang paglago sa Asya, partikular sa China at India.
Ang matibay na implementasyon ni Pangulong Duterte ng independent foreign policy, bilang mandato ng Konstitusyon, ay dumating sa tamang pagkakataon. Ngayong darating na Abril, dadalo siya sa Belt and Road Initiative Forum sa China, mula sa imbitasyon ni China Presidnet Xi Jinping na bumisita sa bansa noong Nobyembre. Ito na ang magiging ikaapat na pagbisita ng Pangulo sa China simula nang maluklok siya noong 2016.
Patuloy din ang pagbuo ng Pilipinas ng mas malakas na ugnayan sa mga kapwa miyembro bansa nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang mas mahigpit na ugnayan sa mga kapwa Asyanong bansa ay naipatutupad habang napapanatili natin ang ating mahigpit na uganyan sa pakikipagkaibigan sa mga dati na nating kaalyado na Amerika.
Ang lahat ng mga prediksiyong ito para sa hinaharap ay dapat na magbigay inspirasyon sa ating mga lider, upang higit na magsumikap para sa pag-unlad ng ekonomiya na inaasahan sa 31 taon, para sa prestihiyo ng bansa na matatamasa ng pamilya ng mga bansa at higit, para sa mas maayos na pamumuhay ng mga mamamayang namumuhay sa isang progresibong bansa