SA Pilipinas, may tatlong sangay ang gobyerno: Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura. Ang mga ito ay malaya sa bawat isa at may sariling kapangyarihan. Subalit ang ganitong kalayaan na itinatakda ng Konstitusyon ay waring nasa letra lamang at hindi naman nasusunod.
Tingnan ang nangyari sa P3.757-trilyon pambansang budget para sa 2019 na labis na tinutulan ng ilang mambabatas, tulad nina Sen. Panfilo Lacson, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sens. Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, at Bam Aquino. Napagtibay at naratipika rin ito dahil gusto ng Ehekutibo na maipasa ito sa bicam bago mag-adjourn ang Kongreso nitong Biyernes.
Maraming tao ang hindi naniniwala na malaya ang Kongreso, lalo na ang HOR o Kamara. Hawak daw ito sa tungkil ng ilong ng Malacañang, na parang tutang napasusunod. Ang Senado ay medyo may tatag pa at konting independence kumpara sa Mababang Kapulungan, na umano’y “rubber stamp” ng Palasyo. Ang Hudikatura naman daw ay tinatakot ng Ehekutibo.
Kung paniniwalaan si Lacson, ang 2019 national budget ay “saganang-sagana sa mantika” o pork barrel. Si Sen. Ping ay hindi tumatanggap ng taunang P200-milyon Priority Development Allocation Fund (PDAF). Sa kabila ng kanyang mahigpit na pagtutol, niratipika ng Kamara at Senado ang pambansang budget. Bumoto nang pabor ang 15 senador samantalang bumoto ng “No” sina Lacson, Drilon, Hontiveros, Pangilinan at Aquino.
oOo
Habang nagkakagulo sa pagtalakay, pagsusuri, paghimay sa national budget ang mga senador at kongresista, nananalasa naman ang tigdas sa maraming lugar at rehiyon ng bansa. Dahil sa sakit na ito, na sa huling datos ay kumitil na ng 60 bata, nais ng Department of Health (DoH) na gawing mandatory o sapilitan ang pagbabakuna sa tigdas.
Ayon kay DoH Sec. Francisco Duque III, kailangang maging mandatory ang anti-measles vaccination upang masiguro ang pangangalaga sa mga bata laban sa tinatawag na “vaccine-preventable illnesses” o mga sakit na puwedeng mapigilan ang pagkalat at pagkakasakit.
Aminado si Duque na nagkaroon ng labis na pagkatakot sa ano mang uri ng bakuna ang publiko dahil sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine. Ang pagkatakot ay pinaypayan pa ng mga pahayag mula sa Public Attorneys’ Office (PAO) na anila, ang dahilan ng pagkakasakit at pagkamatay ng ilang batang mag-aaral ay ang itinurok sa kanilang Dengvaxia. Sinakyan ito ng ilang media programs na bumabanggit sa findings ng PAO gayong, ayon sa DoH, walang matibay na basehan ang forensic expert ng PAO na Dengvaxia nga ang dahilan ng pagkamatay.
Kawawang Pilipinas. Noon ay anti-dengue issues, ngayon ay usapin sa measles outbreak naman na marami nang bata ang nangamatay, habang ang mga teritoryo ng ‘Pinas sa West Philippine Sea ay inookupahan ng China nang walang pagtutol ang administrasyon.
-Bert de Guzman