NAKAHANDA na grupo ng mga Olympians -- Ral Rosario, Akiko Thompson-Guevarra, Pinky Brosas at dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman Eric Buhain -- na isampa ang kaukulang kaso laban kay Lani Velasco hingil sa ilegal na pagiging pangulo ng Philippine Swimming Inc. (PSI).
Sinabi ni Buhain sa panayam ng Balita, na nakahanda na ang mga dokumento na magagamit nila para masusugan ang kaso na kanilang isasampa sa regional trial court.
“Ready na ang case to file. Waiting lang for the board resolution to support the case,” pahayag ni Buhain, naging chairman din ng Games and Amusement Board (GAB).
Sinabi rin Buhain na binigyan sila ng basbas ni Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas na gawin ang kaukulang aksiyon upang mabigyan ng linaw ang isyu at maresolba sa tamang venue.
“Nakausap naming si Sir Ricky. Maayos naming naihain yung tunay na nagyari sa swimming community. Ganda naman usapan. He encouraged us to pursue the court case,” pahayag ni Buhain.
Sa kabilang banda, ikinasiya ni Buhain ang pagkakaapruba ng International Swimming Federation (FINA) na maging qualifying event ang Southeast Asian Games (SEAG) na gaganapin sa bansa sa Nobyembre para sa 2020 Tokyo Olympics.
“The SEA Games has always been a qualifying meet for the Olympics. If you get the QT within a year before the opening of the Olympics, you get to qualify for the games. Not something new. Ako and Akiko qualified that way - via the SEA Games results,” pahayag ni Buhain.
Ikinalugod din ni Buhain ang positibong pagtanggap ng POC sa inihain nilang Open tryouts para mapili ang komposisyon ng team sa SEA Games.
-Annie Abad