HINDI kami pamilyar kay Krystal Reyes na leading lady ni Marco Gumabao sa digital movie na APPle of my Eye handog ng Dreamscape Digital na mapapanood sa IWant, sa Pebrero 14 sa direksyon ni James Mayo.
Sadyang new face ang kailangan sa APPle of my Eye, sabi ng isa sa producer at nagsulat ng script na si Bela Padilla dahil ang kuwento ay tungkol sa babaeng hindi techie o walang alam sa internet.
Kuwento ni Krystal, “Ang story po ay tungkol sa babaeng hindi techie, wala siyang cellphone at walang alam sa internet tapos ‘yung guy (Marco) siya naman po ‘yung techie, nagde-develop siya ng mga games. Lahat ng tungkol sa gadgets alam niya at doon po iikot ang story na kung paano sila mag-adjust sa isa’t isa at paano nila mamahalin ang isa’t isa na sobrang magkaiba sila ng mundo.
“Kasi si Apple po (karakter ni Krystal), middle class lang siya hindi siya nakakaranas ng marangyang buhay, ‘yung isa naman mayaman at may sariling kumpanya. So, ‘yun po ang differences namin.”
Base naman sa kuwento ni Bela, ang karakter ni Marco ang nagkagusto kay Krystal na sabi naman ng dalaga ay na-curious lang ang guy.
“Hindi naman po kaagad nagkagusto, na-curious lang po na parang ‘bakit ganito ‘to, walang cellphone? E, sino bang walang cellphone sa panahon ngayon? Lahat ng millennial may cellphone ngayon.”
“E, mayroon po akong flower shop tapos ‘yung friend niya parang nangailangan ng flowers kaya pinuntahan niya ako at doon na po nagsimula ang lahat,” kuwento ng dalaga.
Sumakto naman dahil probinsyana si Krystal na tubong Bulacan at doon na rin siya nakatira kasama ang buong pamilya.
Mas lalo pa raw na-challenge si Marco dahil hindi niya basta puwedeng makausap si Apple gamit ang landline sa flower shop.
“Kasi po may oras ako, nagde-deliver ako ng flowers, kailangan tawagan niya ako ng mga 9:00 PM or 10:00 PM para gising pa ako,”dagdag pa ni Krystal.
Malaking adjustment daw kay Krystal ang APPle of my Eye dahil unang beses niyang maging leading lady at first time rin niyang maka-trabaho si Marco na taga-ABS-CBN bago naging Viva artist.
GMA artist si Krystal at nagsimula bilang child star sa edad na siya at kontrabida pa ang ibang karakter niya. Ang mga programang nagawa na niya ay Anna Karenina (2013), Mga Mata ni Anghelita (2007), La Vendetta (2007), My Only Love (2007), Tadhana (2018), Trops (2017), Bakekang at series ng Magpakailanman.
Sa pelikula naman ay napasama na siya sa Tween Academy Class of 2012, Shake Rattle and Roll VIII, at Si Enteng Kabisote at si Ako.
“Si Ate Bela po naka-trabaho ko na sa GMA kaya magkakilala po kami. Three years ago na po natapos ‘yung contract ko with GMA kaya free lance po ako ngayon,” sabi ni Krystal.
Sa edad na 22 ay wala pang naging boyfriend si Krystal at aminadong sobrang relate siya sa karakter niyang si Apple dahil hindi rin siya techie sa totoong buhay.
“Hindi po ako marunong sa mga cellphone-cellphone na ‘yan, basta alam ko lang tawag. Ang ginagawa ko lang sa cellphone ko ay manood ng Koreanovela, kahit sa social media hindi po active. Siguro po kasi dahil probinsyana ako kaya ganu’n.
“Nu’ng nag-artista po ako saka lang ako nagkaroon ng magandang cellphone, dati po kasi walang camera ang gamit ko,” paglalarawan ni Krystal sa sarili.
At dahil unang beses niyang maka-trabaho si Marco ay sobrang nabaitan si Krystal sa binata at aminado siyang isa ito sa dream guy niya.
“Sobrang mabait po kasi, saka ang napansin ko po kay Marco kapag may eksena kaming kilig-kilig kasama ‘yung mata niya kapag nag-smile, e, ganu’n din po ako pag nag smile hindi na rin ako makakita,” paglalarawan naman ng dalaga sa aktor.
Diretsong tanong namin kung crush na niya si Marco, “puwede naman po, ha, ha, ha, hindi man lang nagpa-cute,” tumawang sagot ni Krystal.
Maraming babaeng nagpapantasya kay Marco dahil sa ganda ng katawan nito at abs, si Krystal kaya?
“Choosy pa po ba ako, ha, ha? ‘Yung pa abs n’ya, tatanggi po ba tayo sa abs?” tumawang sabi ng dalaga.
Dagdag pa, “actually po may ipinakita po sa akin ‘yung staff (production), picture na pa-abs ni Marco para raw (kiligin) ako sa eksena.”
Hindi mabanggit ni Krystal pero ang ipinakita sa kanya ay ‘yung naka-brief lang si Marco at kitang-kita ang abs nito.
“Sobrang nahiya po ako hindi pa po kasi ako nagkaka-problema at nasanay akong bagets role lang lagi ang ginagampanan ko, at bunso ako sa set. Kaya nahirapan po akong mag-adjust na leading lady na ako,” natatawang pagtatapat ng aktres.
Pero hindi naman daw unang beses makakita ni Krystal ng naka-brief dahil nanonood naman siya ng Korean drama at may mga ganu’n sa eksena.
“Naiilang lang ako, kasi hindi naman po araw-araw nakakakita ako ng ganu’n,” tumatawang sabi pa ulit ng dalaga.
At dahil sa pa-abs ni Marco ay ipa-follow na ni Krystal sa Instagram ang aktor, “para po may update?”
“Actually po nahirapan din kami ni Marco na maging kumportable sa isa’t isa kasi ‘yung shooting days namin ang lalayo ng agwat bukod pa sa magkaiba kami ng network. Kaya thankful po ako kay Direk (James) kasi tinulungan niya akong mag-adjust para mas maging comfortable sa isa’t isa.”
Hindi binanggit ng aktres kung may kissing scene sila ni Marco, sabi lang niya ang sweet moments nila ay, “’yung ending po kasi may transition saka pag-uwi ko po ng bahay, bitbit ko ‘yung apple kinikilig ako, naka-smile ako.
“May nirecord po akong part ng eksena tapos sinend ko po sa sa ate ko, kinilig din daw siya,” kuwento ng bagong apple of the eye ni Marco.
Sa tanong kung bibigyan siya ni Marco ng calendar na naka-brief lang, “papapirmahan ko po sa kanya at idi-display ko para kapag kailangan ng mga nakakakilig,” nakangiting sabi ni Krystal.
-REGGEE BONOAN