NAGDEKLARA ang Department of Health (DoH) ng measles outbreak sa buong National Capital Region (NCR), sa Katimugan at Gitnang Luzon, at sa Gitna at Silangang bahagi ng Visayas. Simula Enero 1 hanggang Pebrero 6 ngayong taon, sinabi ni Secretary Francisco Duque na nasa 196 na kaso ang naitala sa NCR, kumpara sa 20 kaso lamang sa kaparehong panahon noong nagkaraang taon. Nakapagtala ng 55 kaso ng pagkamatay sa San Lazaro Hospital, na nasa tatlo hanggang limang taong gulang. Para sa buong taon ng 2018, may 3,646 na kaso ng tigdas ang naitala sa NCR, mas mataas mula sa 381 kaso noong 2017.
Una rito, nitong Disyembre, sinabi ng DoH na mula Enero hanggang Nobyembre 2018, nakapagtala ang bansa ng kabuuang 18,026 na kaso ng tigdas, tumaas mula sa 3,804 na kaso noong nakaraang taon. Mayroong 164 na namatay, kumpara sa 23 noong 2017. Pinakamalaking pagtaas ng kaso sa probinsiya ang naitala sa rehiyon ng Davao—1,531 kaso, mula sa 71 kaso lamang noong 2017.
Ang measles outbreak ay isa sa masamang epekto ng kontrobersiya sa Dengvaxia na halos ilang buwan nang laman ng mga balita. Sa panahon ng 2018 DoH report nitong Disyembre, sinabi ni Undersecretary Rolando Enriquez Domingo na ang kawalan ng tiwala ng publiko at kakulangan ng kumpiyansa sa bakuna ang lumalabas na pangunahing dahilan ng malawakang pagtaas sa bilang mga kaso ng tigdas.
“There is a loss of confidence among our people. There are doubts,” aniya. “We have been intensifying our communications plans and we’re reaching out to communities to convince them anew on the safety and value of vaccines.”
Ang mga pagdududa sa bakuna ay pinatindi ng kontrobersiya sa Dengvaxia, na hindi pa rin nareresolba habang nagpapatuloy pa rin ang ilang buwan nang imbestigasyon ng dalawang komite ng Mababang Kapulungan.
Sinabi ng DoH na mahigit 820,000 katao ang nabakunahan ng Dengvaxia, bago pa maglabas ang lumikha nito, ang Sanofi Pastuer, ng pandaigdigang paalala noong nakaraang taon, na ang mga taong hindi pa nakaranas ng dengue ay makararanas ng mas malalang sintomas ng sakit kung maturukan ng bakunang ito.
Nagsimulang tumataas ang bilang ng mga batang nagkasakit sa bansa nang walang opisyal na kumpirmasyon ng tunay na dahilan ng pagkamatay. Ngunit nangyari na ang lahat— nariyan na ang takot ng mga magulang para sa kanilang mga anak, nawala na ang lahat ng kumpiyansa sa lahat ng uri ng bakuna.
Sa pulong ng gabinete sa Malacañang nitong Miyerkules, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa DoH ang pinaigting na kampanya para sa lubusang pagpapabakuna sa mga bata, hindi lamang para sa tigdas kundi pati na sa trangkaso, diphtheria at iba pang sakit ng mga bata. Sa pinakabagong bilang, ayon kay Dr. Ruby Constantino, direktor ng DoH Disease Prevention and Control Bureau, nasa 2.4 milyong bata sa buong bansa ang hindi pa nakatatanggap ng aktuwal na bakuna.
Isang malawakang kampanya ang dapat na ipatupad upang ipaalam sa mga magulang na ang takot na idinulot ng Dengvaxia ay isang pagkaligaw at kinakailangan ng kanilang mga anak ng proteksiyon laban sa maraming sakit sa bata, na maaaring ibigay ng bakuna.