NIRATIPIKAHAN ng Senado at Kamara ang nitong nakaraang Biyernes ang 3.8 trilyong budget para sa 2019. Sa botong 15-5, inaprubahan ng Senado ang panukalang ipinasa ng senate – house conference committee. Sa mababang kapulungan naman, dumagundong ang sigaw ng “ayes” at nilunod ang “nays” vote. Sa plenary ng Kamara, sinabi ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, pagkatapos ng botohan, “dapat batiin ang Senado at Kamara sa pagpasa ng budget na sumailalim sa mabigat na proseso.”
Pero, ang report ng Senate at House Conference Committee ay hindi nakakuha ng buong pagkakaisa ng mga miyembro. Hindi dumalo si Sen. Ping Lacson at tumutol si Senate Minority Leader Franklin Drilon. “Tumututol ako dahil sa dalawang bagay: No. 1, dahil animo’y lumalagda ako sa blank check. Wala kaming oras para masusing siyasatin ang bicameral report. No. 2, pork barrel ay naririto pa rin, hindi lamang sa Kamara kundi maging sa Senado,“ paliwanag ni Drilon.
“Mabuti at makatarungan ang 2019 budget,” pagmamalaki ni Senate finance committee chair Loren Legarda. Pero, sa pinuno ng House contingent sa bicameral committee na si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, Jr., nagdududa siya na ito ay matinong maibibigay sa taumbayan. “Ito ba ay talagang budget ng taumbayan? Mapapairal at maibabahagi ba ito sa kinauukulang sektor? Sa ngayon nagdududa ako. Sabik kaming naghihintay sa veto message at kikilos kami mula rito,” sabi niya. Sinusuportahan niya ang panawagan ni Sen. Lacson sa Pangulo na betuhin nito ang lahat ng item na nangangamoy at mukhang pork.
Ayon kay Andaya, ang 2019 budget ay bunga ng kasunduan sa pagitan ng Kamara at Senado na nag-akusa sa isa’t isa na nagsingit ng pork barrel sa kani-kanyang bersyon ng budget. Kaya, lumabas ang budget na naglalaman ng 190 bilyong pisong pagbabago na tinawag ng mga senador na “institutional amendments,” samantalang ang Kamara ay nagmungkahi ng 51 bilyong pisong halaga ng realignment.
Kaya, sabi ni Lacson, “Ang budget sa taong ito ay punung-puno ng pork barrel na mayaman sa cholesterol na ang bulto nito ay inilaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).” Iniprisinta, aniya, ng pork barrel ang kanyang sarili na balakyot na muling nabuhay, nilalait at tinutukso tayo ng mga nakatago sa anino ng umano’y serbisyo publiko. Ang nakapanlulumo raw ay ang alokasyon para sa farm-to-market road project ay pinalobo sa bersyon ng kamara mula sa National Expenditure Program. Ibinunyag ni Lacson na ang distrito ni Speaker Aroyo ay isa sa mga may pinakamalaking alokasyon para sa farm-to-market road project. Kasi, sa orihinal na programa na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM), 35 milyong piso lang ang inilaan sa farm-to-market road project, pero ang inaprubahan ng Senate-House Conference Committee ay 606 milyong piso para sa distrito ni Speaker.
Sa kanilang sariling pagkilos, nag-alsa noon ang taumbayan laban sa pork barrel na tinagurian ng mga mambabatas na Priority Development Acceleration Program. Idineklara ito ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas. Ngayon naman, sa ibang paraan pinalusot ng mga mambabatas at ng DBM Secretary ang pork barrel sa national budget –insertion. Pero hindi ito ang insertion na binanggit ng Pangulo na ginawa niya sa kanilang kasambahay. Ito iyong pinalobong alokasyon para sa farm-to-market road project na mauuwi sa farm-to-pocket ng mga mambabatas at mga pulitiko.
-Ric Valmonte