SA kalendaryo ng ating panahon, isang karaniwan o ordinaryong araw ang ika-8 ng Pebrero. Ngunit sa talambuhay ng ating mga dakilang bayani at leader ng bansa, mahalaga ang araw na ito, lalo na sa mga taga-Batangas, sapagkat paggunita ito sa kaarawan ng isa sa mga naging senador ng bansa na makabayan at kinikilalang “Ama ng 1935 Constitution” na si Senador Claro M. Recto.
Isinilang si Recto sa Tiaong, Tayabas (Quezon na ngayon) noong ika-8 ng Pebrero, 1890, ngunit lumaki sa Lipa, Batangas. Dahil sa lumaki siya sa Lipa, higit siyang ipinagmamalaki ng mga taga-Batangas kaysa mga taga-Quezon.
Nang matapos niya ang Bachelor of Arts at abugasiya sa Unibersidad ng Santo Tomas, napansin na ang kanyang talino sa pagiging abogado at sa Panitikan. Ang talino niya sa pagsulat ay nagliwanag at nakilala nang magsulat siya ng kanyang mga tula sa Kastila sa pahayagang “El Renacimiento”(Muling Pagsilang). Naging patnubay ni Recto sa pagsusulat sina Fernando Ma. Guerrero, isa sa kilalang “hari” sa Panulaang Kastila; at Teodoro Kalaw.
Ang unang tula ni Recto sa El Renacimiento ay makabayan na may pamagat na “Bajo Los Cocoteros” (Sa Lilim ng Niyugan). Lalong nakilala ang talino at husay ni Recto nang talunin niya sa pagsulat ang mga makatang Pilipino sa Kastila na sina Manuel Bernabe at Jesus Balmori, na dalawa sa bumubuo ng tungko ng manunulat sa Ermita, Maynila.
Ang political career ni Recto ay nagsimula nang mahalal siyang Kinatawan sa isang distrito ng Batangas sa National Assembly noong 1919. At mula noon, ang pulitika at pagiging abogado ay nakapigil sa kanyang pagsusulat.
Masasabing namumukod ang talino at kakayahan ni Recto sa kanyang pagiging Kinatawan at Senador. Isa siyang tunay na Parlamentarian. Puspusan niyang itinaguyod ang simulain ng nasyonalismo o pagka-makabayan. Sa maraming pagkakataon ay tinutulan niya at binatikos ang mga panukalang batas ng mga kasama niyang Senador, na nakapipinsala sa kabutihan ng ating bansa at ng mga mamamayan.
Sa paniwala at pananaw ni Recto, ang nais niyang patakaran ay ang nagpapakita ng tunay na dignidad at kapangyarihan ng mga Pilipino. Naniniwala siya na ang makabagong kaunlaran ay makakamit kapag nakalaya tayo sa tanikala ng kolonyalismo at pananakop ng ibang bansa. At hindi mamamatay ang ating bansa kung pangangalagaan at ipagtatanggol ang pagiging isang lahi.
Sa rehimen nina dating Pangulong Elpidio Qurino at Pangulong Ramon Magsaysay, si Recto ay naging mahigpit na kritiko sa mga panukalang panlabas o foreign policy ng Pilipinas. Sa mga pagpirma ni Pangulong Magsaysay sa mga tratado o kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at America ay madalas sabihin ni Recto na: “Monching alalahanin mong lagi ang kinabukasan ng ating bansa at ang susunod na salinlahi.”
Alam kasi ni Recto na sa mga kasunduan, nagugulangan tayo ng mga Imperyalistang Amerikano.
Kung ihahambing natin ngayon si Recto sa ating mga sirkero at payaso sa Kongreso at Senado, masasabing napakalayo at malaki ang pagkakaiba. Hindi masiba o matakaw sa pork barrel si Recto at mahilig sa grandstanding. Tinutulan niya ang naiisip ng ibang mga payaso at sirkero na baguhin ang ating Konstitusyon.
Hindi rin papayag si Recto na magpatibay ang mga batas na pabigat, parusa at matinding pahirap sa sambayanang Pilipino na naghihikahos at ang nakararami ay hindi makabangon sa kahirapan at nananatiling mga anak ng dalita.
Isang tunay na makabayan si Recto, na magsilbi sanang huwaran sa ating mga sirkero at payaso sa Kongreso. Ngunit may nagsasabing baka pagputi ng uwak at pag-itim ng tagak. Paliwanag: Marami sa mga sirkero at payaso ay anemik o maputla ang nasyonalismo. Marami pa rin sa kanila ay tagapagtanggol ng interes ng mga dayuhan. Kumbaga sa tuta ng dayuhan ay naglalaylay ng dila at nagwawagwag ng buntot.
-Clemen Bautista