Napatay ng mga awtoridad ang isang 26-anyos na lalaki, na umano’y lulong sa ilegal na droga, makaraang manunog ng bahay, mang-hostage ng tatlong kaanak at pagsasaksakin ang dalawang pulis na nagtangkang umaresto sa kanya sa Pandacan, Maynila, ngayong Sabado.

MPD

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas si Ranil Christian Baje, 26, ng Floresca Street, Pandacan, habang sugatan ngunit nasa maayos nang kondisyon sina Insp. Francis Guevarra at Insp. Genesis Aliling, kapwa nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Pandacan Police Station 10 (PS-10), na pinamumunuan ni Police Supt. Erwin Dayag.

Sa ulat ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nangyari ang insidente sa bahay ni Baje sa Pandacan, bandang 10:00 ng umaga.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Sinasabing lulong sa droga ang suspek at tatlong araw nang hindi natutulog hanggang naisipan nitong sunugin ang bahay ng kanyang kapitbahay.

Agad na itinawag ni Rene Janda, chairman ng Barangay 860, Zone 94, sa MPD-PS 10 ang insidente at rumesponde ang mga tauhan ng Beata Police Community Precinct (PCP).

Gayunman, sa halip na sumuko, tumakbo si Baje sa loob ng kanilang bahay at hinostage ang kanyang lola, tiyuhin, at pamangkin.

Makalipas ang ilang sandali, nagtungo ang suspek sa ibang bahay at sinundan ng mga pulis.

Tinangka siyang payapaan ni Insp. Aliling, subalit sinaksak ito ng suspek, gayundin si Insp. Guevarra, na nakailag at tinamaan sa palad.

Dahil dito, pinagbabaril ni Insp. Aliling ang suspek hanggang sa bumulagta.

Mary Ann Santiago