SA unang pagkakataon simulang nang lumabas sa PNP Custodial Center sa Camp Crame noong nakaraang taon ay ngayon lang uli humarap si ex-Senator Jinggoy Estrada sa entertainment media/bloggers.

Jinggoy copy

Sa Pebrero 17 pa ang kaarawan ng dating senador pero may advance birthday celebration na siya para sa media, kasama ang kanyang anak na kumakandidatong mayor ng San Juan City na si Vice Mayor Janella Ejercito Estrada, at ang tumatakbong congressman ng siyudad na si Edu Manzano.

“Nagpapasalamat ako sa pagpapaunlak sa aking imbitasyon ngayon, isa ako sa pinakamasayang tao dahil nakahalubilo ko na naman ang mga tunay na tao at kaibigan sa movie press. At alam n’yo, lagi kong sinasabi, ang mga taga industriya ng pelikula ay totoong tao,” bungad ni Jinggoy.

Tsika at Intriga

'Unbothered?' Karen Davila, nag-flex ng larawan kasama ang pamilya Laude

Hindi lingid sa lahat na gustong balikan ni Jinggoy ang Senado kaya naman sinimulan na rin niyang mag-ikot ilang buwan bago ang eleksiyon sa Mayo 13.

“Unang-una sa pagi-ikot ko sa ating bansa, natutuwa ako kasi marami sa ating kababayan ang nasisiyahan sa pagpunta ko sa kanila sa kanilang bayan at probinsya.

“Kung tatanungin ako kung ano ang nararamdaman ko sa daratng na eleksiyon, ninenerbyos dahil napagkaisahan kami. Sinira at dinungisan ‘yung aming pangalan ng nakaraang administrasyon, kaya siguro kailangang magsipag sa darating na kampanyahan,” pahayag ng dating senador.

Ang Aquino administration ang tinukoy ni ex-senator Jinggoy, pero sa panayam naman niya sa programa nina Ka Tunying (Anthony Taberna) at Gerry Baja sa DZMM na umere nitong Huwebes nang gabi ay may segment na fast talk at nabanggit ang pangalan ni dating Presidente Noynoy Aquino.

“We remained friends,” sagot niya.

Sa madaling salita, hiwalay ang personal na buhay at pilitika.

Anyway, natanong si Jinggoy kung katulad din ba siya ni former Senator Bong Revilla, Jr na babalik siya ng showbiz pagkatapos ng eleksiyon. At kung ano ang showbiz plans ng una.

“Sa ngayon, honestly wala! “diretsong sagot ni Jinggoy. “Eh, tumaba ako (tawanan ang lahat). ‘Pag medyo pumayat na tayo nang konti.”Sa madaling salita, pulitika ang focus ngayon ng panganay na anak ni Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada.

“Yes. Wala rin akong balak mag-produce (pelikula),”saad pa.

Pero nabanggit na ang panganay na anak nitong si VM Janella ay ginusto ring mag-showbiz noon. Papayagan ba niya ito?“Ewan ko, mataba rin ‘to,” aniya, sabay tingin sa anak.

Hirit naman ng dalaga: “Kaya nga po hindi natuloy (sa showbiz).”

Hindi ba body shamming itong pagbibiro ni ex-Senator Jinggoy na isa ito sa gagawin niyang adbokasiya?

“Itong si Janella gumagaya sa akin. Nu’ng nag-vice mayor ako, nag-vice mayor din siya. At the age of 29, naging mayor ako, at the age of 29, sana maging mayor din siya.

“Nagpataba ako, nagpataba rin siya,” kuwentong biro ni Jinggoy.

Muling natanong ang palabirong ama ni Janella kung hindi ba siya natatakot na sa pagpasok ng anak sa pulitika ay marami itong kakaharaping problema o mapag-initan din tulad ng nangyari sa kanya, at ang worst ay pagbantaan ang buhay nito?“Alam n’yo sa larangan ng pulitika, lahat ‘yan kasama. Ang in-advise ko lang sa kanya nang magpaalam siya na gusto niyang tumakbong konsehal noong 2013, sinabi ko lang sa kanya, ‘as long as you are willing to serve, determined to serve with utmost honesty and integrity go ahead.’ Hindi ko siya pinigilan,”pahayag ng tatay ni Janella.

Para kay Jinggoy, sa kabila ng nangyari sa kanya ay hindi ba siya nagduda na muling tumakbo baka pag-initan ulit.

“Eh ngayon nga pinag-iinitan na naman kami ng iba’t ibang sector, kaming tatlong senador na nakulong (Bong at Juan Ponce Enrile). Alam naman ng taumbayan na kami ay napag-initan at napagkaisahan, so I hope they do not deprive me of serving the people. Let the people decide,” katwiran ng dating senador.

Hindi rin niya ikinailang tutulungan niya ang anak at si Edu sa kampanya.

“As long as I have my free time, I’ll be here in San Juan to help Janella and Edu. The people of San Juan naman ay alam ang mga ginagawa nina Janella at Edu, masisipag naman sila at modesty aside, marami namang nagawang proyekto si Vice Mayor Janella sa San Juan,” pahayag ni Jinggoy.

Ano naman ang plano ng dating senador sa showbiz industry kapag nakabalik siya sa Senado?

“Alam n’yo matagal nang malaki ang problema ng industriya, dahil sa the advent of social media, ibang (form) of entertainment kaya hindi na masyadong kumikita ang ating mga pelikula.

“Isa sa aking mga plano para sa industriya kailangan ma-subsidize ng ating gobyerno ‘yung magaganda nating pelikula na kailangang i-promote. But we cannot compete globally kasi siyempre wala naman tayong magagarang kagamitan katulad ng Amerika at ibang bansa na high-tech masyado. Kailangang magkaroon ng subsidy ang ating gobyerno para sa ating mga pelikula,”pahayag ni Jinggoy.

-REGGEE BONOAN