Umapela ang Department of Health sa publiko na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa nakahahawang tigdas upang mapigilang lumala pa ang outbreak, na idineklara na sa Metro Manila at sa iba pang mga rehiyon.
“We strongly encourage mothers to have their children vaccinated against measles. We also advise them to immediately bring their children to the nearest health facility and consult a doctor in cases of cough, colds, conjunctivitis and skin rashes,” sabi ni DoH Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) head Jessie Fantone.
Ayon sa DoH, dalawang dose ng bakuna kontra tigdas ang kailangang ibigay sa bata: isa kapag siyam na buwan at isa pa kapag 12 buwan na.
Bukod sa bakuna, mahalaga rin ang oral rehydration at vitamin A supplementation para maiwasan ang tigdas.
Kaugnay nito, nakapagtala ang Manila Health Office nitong Biyernes ng mahigit na 100 “defaulters”, o mga magulang na tumangging pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas.
Naglibot kahapon ang mga health workers sa Maynila upang magbigay ng libreng bakuna sa ilang bata sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila.
Kuwento naman ni Dr. Fredeliza Iringan, na nangangasiwa sa Baseco Health Center sa Manila, ang ilang magulang ay nagmamadali pang pinabakunahan ang kanilang mga anak, pero may ilan ang ayaw talaga.
“Nako, aabutin ka ng mga 30 minutes to one hour. Nakita n’yo naman kung gaano kahirap i-convince ang isang nanay,” kuwento ni Iringan.
Kaugnay nito, iniulat ng DoH-Region 8 na mahigit 1,000% ang itinaas ng mga pasyente ng tigdas noong Enero ngayong taon.
Sa Pangasinan, limang lugar naman ang pasok sa measles watchlist: Calasiao, Binmaley, Sison, Dagupan City at San Carlos City, dahil sa naitalang mataas na bilang ng natigdas sa lalawigan, nitong 2018.
Nakahahawa ang tigdas, na naipapasa sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo, at pagiging malapit ng distansiya sa pagsyenteng mayroon nito.
Kabilang sa mga sintomas ng tigdas ang ubo, baradong ilong, conjunctivitis, lagnat, at skin rashes na tumatagal ng mahigit tatlong araw.
Kasama naman sa mga kumplikasyon nito ang pagtatae, impeksiyon sa tenga, pneumonia, encephalitis, malnutrisyon, pagkabulag, at kamatayan.
Franco G. Regala, Erma R. Edera, Analou De Vera, Marie Tonette Grace Marticio, at Liezle Basa Iñigo