KAHIT na naging malaking benepisyo ang kanyang “pork barrel” allocation para sa marami, lalo na sa pagbibigay ng ayuda sa mahihirap na kababayan natin, sinabi ni dating Senador Jinggoy Estrada sa kanyang advance birthday celebration na ayaw na niyang magkaroon ng Priority Development Assistant Fund (PDAF).

Sa kanyang naging panayam sa DZBB kumakailan, tinanong ang dating senador kung gagamit ba siya uli ng pork barrel sakaling mahalal uli siya sa Senado sa eleksiyon sa Mayo.

“Kahit ideklara pa na legal ng Korte Suprema ang PDAF or pork barrel, ayaw ko na! Minsan, nag-eendorso lang ako sa pork barrel, sumabit pa,” sabi ni Jinggoy.

Matatandaang taong 2013 nang nagdesisyon ang Korte Suprema na illegal at unconstitutional ang pork barrel.“Malakas ang aking loob na humarap sa tao at tumingin nang mata sa mata sa inyo. At paulit-ulit ko pong sasabihin na wala po kaming kasalanan sa taumbayan. Wala po kaming ninakaw sa kaban ng bayan,” giit ni Jinggoy.

'So refreshing!' Netizens nakakita ng 'Diwata' sa Boracay

Samantala, binigyang-diin din ng dating senador na sa kanyang dalawang termino sa Senado ay hindi siya nagsingit ng pondo sa national budget, na mainit na pinagtatalunan ngayon sa Kongreso kaugnay ng nabalam na pagpapasa ng panukalang 2018 national budget.

“Sa loob ng 12 taon ko bilang senador, kahit kailan hindi po ako nagkaroon ng congressional insertion,” sabi ni Jinggoy.

Ilang taong nakulong si Jinggoy sa Camp Crame kaugnay ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa pork barrel scam.

Ngunit noong Nobyembre 2017, kinatigan ng Sandiganbayan ang kanyang hiling na makapagpiyansa at makalaya dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya laban sa kanya.

“Unti-unti na pong napapatunayan na kami po ay walang kasalanan. Nakalaya na rin si Senador Bong Revilla, Jr. at ako ay nagdarasal na balang araw sa mga susunod na buwan, ganon din ang magiging hatol sa akin at kay Senador Juan Ponce Enrile,” ani Jinggoy.

Ibinahagi rin ni Jinggoy na lubos na napakinabangan ng masang Pilipino ang kanyang pork barrel dahil ginamit daw niya ito upang pondohan ang mga projektong direktang tutulong sa masang Pilipino, gaya ng scholarship para sa kabataan at tulong pinansiyal para sa mga pasyente at may sakit.

“Actually, during my stint as a senator, naglagay po ako sa opisina ko ng free legal assistant para sa ating mga kababayang mahihirap at hindi makapag-avail ng legal assistance.

“Kasi naging mayor ako ng siyam na taon ng San Juan kaya halos araw-araw may pila sa aking opisina. At noong naging senador ako, they expect the same. Hindi nila alam na ang trabaho ko ay gumawa lang ng batas,” sabi pa ni ex-Senator Jinggoy, na birthday sa February 17.

-MERCY LEJARDE