NAGHAIN ng $68 milyong na demanda ang Filmmaker na si Woody Allen laban sa Amazon dahil sa breach of contract, na nag-aakusa sa streaming giant ng kanselasyon ng isang film deal dahil sa isang dekada ng alegasyon ng seksuwal na pang-aabuso ng direktor sa kanyang anak na babae.
Ayon kay Woody nais ng Amazon na itigil ang kanilang deal sa Hunyo, at tumanggi na ang kumpanya na bayaran siya ng $9 million para sa pagpopondo sa kanyang bagong pelikula, ang A Rainy Day in New York.
Ang pelikula ay isa lamang sa mga ipo-produced kasama ng Oscar-winning director sa ilalim ng isang serye ng kasunduan matapos gawin ni Woody ang programang Crisis in Six Scenes para sa Amazon.
Humihingi ang direktor ng $9 million kasama ng minimum guarantees para sa kanyang iba pang tatlong pelikula na umaabot sa kabuuang “in excess of $68,000,000,” base sa reklamong isinampa nitong Huwebes sa federal court ng New York.
Bukod sa naunang siyam na milyon, bahagi din ng kontrata ang panibagong siyam na milyon, 25 milyon at isa pang 25 milyon para sa tatlong pelikula, na nakaplano para sa 2019, 2019 at 2020. May kabuuang 68 milyon.
Ayon kay Woody, sinabi sa kanya ng Amazon na naging “impracticable” na ang kasunduan dahil sa “supervening events, including renewed allegations against Mr. Allen, his own controversial comments” at ang pagtanggi ng mga aktor na makatrabaho siya.
Nasasangkot ang direktor sa akusasyon ng pangmomolestiya kay Dylan Farrow, ang kanyang adopted daughter noong 7-anyos pa lamang ito.
Una nang napawalang sala si Woody sa unang kaso na isinampa ng kanyang dating partner na si Mia Farrow, matapos ang dalawang buwang imbestigasyon. Ngunit naninindigan ang malaki nang anak ni Woody na minolestiya siya.
Dahil sa akusasyon, ilang aktor na dati niyang nakatrabaho sa mga pelikula ang lumayo at nagpahayag na hindi na muling magtatrabaho kasama ang direktor.
AFP