“G. PANGULO, ipinakita mo sa napakaraming okasyon ang iyong political will. Ngayon, gamitin mo ang iyong line item veto power sa 2019 budget sa pamamagitan ng pag-alis sa lahat ng pork na isiningit ng mga walang kabusugan at hindi na mababago,” wika ni Sen. Ping Lacson sa kanyang twitter sa Pangulo noong Martes. Kasi, sinabi ni Sen. Loren Legarda sa mga kapwa senador na ang House – Senate conference committee ay pumayag, nang wakasan ang dalawang buwang budget deadlock. Ayon kay Sen. Lacson, ang 3.8 trilyong pisong 2019 panukalang budget ay naliligo sa mantika. Bunga, aniya, ito ng mga isiningit na pork barrel ng mga mambabatas kabilang ang kanyang mga kapwa senador sa uri ng individual amendments at insertions na nagkakahalaga ng 23 bilyong piso, na para sa mga proyektong imprastraktura. Ang pork barrel ay spending program sa national budget na ang pondo ay pinararaan sa mga proyekto ng mga mambabatas sa kanilang distrito. Ito ang pinanggagalingan ng kanilang kickback. Ang halaga ng pork barrel sa panukalang budget na isinumite ni Budget Secretary Benjamin Diokno ay mahigit na isandaang bilyong piso, ayon kay Sen. Lacson.
Nawalan din ng saysay ang pagnanais ni Sen. Lacson na malinis sa pork barrel ang budget para sa 2019. Masigasig siyang malibre sana ang budget sa mga isiningit na pondong panggastos sa mga proyekto ng mga mambabatas sa kani-kanilang distrito dahil, aniya, ang national budget ay galing sa salapi ng taumbayan. “Masama kung ang pera ay hindi nagagamit sa kinauukulan. Pero, higit na masama kung ito ay inaabuso ng mga nasa gobyerno sa uri ng pork,” sabi ni Lacson. Bukod dito, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang pork barrel noong 2013 sa harap ng 10 bilyong pisong anomalya sa paggamit nito. Ang pork barrel noon ng mga mambabatas sa uri ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ay naibulsa umano nila sa tulong ni Napoles. Pinalabas nila na ang pondo ay ginamit para sa mamamayan sa pamamagitan ng mga pekeng non-government organization. Ito ang dahilan kung bakit nakulong sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa salang plunder. Naabswelto kamakailan si Revilla, samantalang nakabimbin pa ang mga kaso nina Estrada at Enrile. Ang tatlo ay kandidatong muli para senador sa darating na halalan.
Hindi nagawang ipangibabaw ni Lacson ang kapakanan ng sambayanan sa makasariling interes ng kanyang mga kapwa mambabatas. Dahil nalalapit na ang halalan at kailangang may magamit ang mga ito para isulong ang kanilang kandidatura, nais ng mga mambabatas na manatili ang kanilang pork barrel. Kung ang national budget ay galing sa salapi ng bayan, ayon kay Lacson, at naririto ang pork barrel ng mga mambabatas, ginagastusan ng mamamayan ang kandidatura ng mga mambabatas at iba pang mga pulitiko na namamantikaan ng pork barrel. Kaya, iginigisa ng mga pulitikong ito ang bayan sa kanilang sariling mantika. Iniaasa na lamang ni Lacson kay Pangulong Duterte ang pag-alis ng pork barrel sa national budget sa pamamagitan ng kanyang veto power. Ang problema nga lang ay isa sa mga ipinangako ng Pangulo nang mangampanya para sa panguluhan ay labanan ang pork barrel, baka mapatulad lang ito sa pangako niyang wawakasan ang kontraktuwalisasyon at pag-angkin sa West Philippine Sea.
-Ric Valmonte