Kumpiyansa ang National Bureau of Investigation (NBI)-Region 6 na malakas ang kasong isinampa laban sa mga suspek na nag-ambush sa abogado ng estranged husband ng aktres na si Kate Brios, noong Disyembre 2018.

Ikinatwiran ni NBI-Region 6 acting deputy director Ramil Quinto, matibay ang hawak nilang ebidensya sa kasong murder, frustrated murder at conspiracy laban kina Brios (Catherine Berioso- Cabuga sa tunay na buhay), dating Bacolod City Police Office (BCPO) director, Senior Supt. Francisco Ebreo, dating BCPO Mobile Force Company chief Supt. Ritchie Yatar, dating CDEU assistant team leader Insp. Adrian James Albaytar, SPO2 Joshua Barile at PO3 Ronald Ortiz.

Damay din aniya sa kaso ang reporter na si Dolly Yasa, kasama ang kapatid at ina ni Berioso at iba pang hindi pa nakikilala.

Matatandaang isinampa ni Atty. Erfe del Castillo, ang nasabing mga kaso.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Si Del Castillo ay abugado ni Francis Cabuga, asawa ng aktres.

Matatandaang kagagaling lamang ni Del Castillo sa Bacolod Silay Airport sakay ng kanyang kotse nang pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang lalaki sa Airport Access Road, Talisay City, Negros Occidental, noong Disyembre 21, 2018, dakong 10:45 ng gabi.

Nasawi sa pananambang ang driver ni Del Castillo na si Efren Palmares, na dating pulis, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Nakaligtas naman sa insidente si Del Castillo nang matamaan ng bala sa balikat at daplis sa ulo.

Nauna nang inihayag ni Del Castillo na kaya siya tinangka patayin

dahil siya ang abugado ni Cabuga kaugnay ng usapin ng mag-asawa sa pinag-aagawang Metro Inn Hotel sa Bacolod City.

-Beth Camia