WALANG pagsidlan ang naramdaman kong kaligayahan sa nakita kong pagsasaya ng mga kababayan natin na gustong magtampisaw at mag-swimming sa “bagong linis” na Manila Bay. Ngunit saglit lang ang pagsasaya kong ito na agad nahalinhan ng sambakol na simangot, dala nang pagkadismaya sa narinig kong hinaing ng ilang mangingisda na nakihalubilo sa nagtipun-tipon na mamamayan sa aplaya.

“Nalinis nga nila ang Manila Bay mula sa burak ng mapanirang plastic na itinatapon ng mga salaulang kababayan natin, pero ang mas nakatatakot -- ay ‘yung “kaplastikan” ng mga opisyal ng gobyerno, na magdadala ng mas makamandag na lason sa makasaysayang look na ito sa ating bansa,” ang narinig ko sa isang mangingisda na ang tanging ipinambubuhay sa kanyang pamilya ay ang pamamalakaya sa Manila Bay.

Nang mag-usisa ako sa grupo ng mga mangingisdang ito, mabigat ang kanilang naging alegasyon laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nagpasimuno sa biglang paglilinis ng Manila Bay.

“Ginastusan ng milyones ang paglilinis, ‘yun pala susundan lang ito ng 43 reclamations – ‘di ba malaking kaplastikan ang pinaggagagawa nilang iyan? Ang mahal siguro ng naging dahilan kaya agad na ipinatupad ang kabulastugang ito ng ating gobyerno,” ang may panunudyong dagdag pa ng isang nakatatanda sa grupo.

Ang sinasabi nilang “makamandag na kaplastikan” na mas lalason at sisira sa Manila Bay ay ang nagbabantang “43 reclamation project” ng pamahalaan, sa lugar na may sukat na 265 hectares, sa nasasakupan ng Pasay City.

Naka-plano nang tayuan ang mare-reclaimed na lugar ng isang malawak na commercial complex na tatawaging “The Pearl Harbor City” – at siyempre pa, ang magpapatakbo nito ay grupo ng mga negosyanteng umano’y malapit sa Duterte Administration.

Sa tingin ko, alam na alam ng mga mangingisdang ito ang kanilang pinagsasasabi dahil sa malalim at maraming detalye ang mga hinuhugot nilang impormasyon, na isa-isa nilang binanggit sa akin nang malaman na isa akong kolumnista ng pahayagang Balita.

Ang hinala nila, sino-short cut ng mga opisyal sa Palasyo ng Malakanyang ang napipintong 43 reclamation ng 264 hectares na lugar sa Manila Bay, at ang paglilinis na ginagawa ngayon sa aplaya ay isang “panlilito” lamang upang ‘di mapansin ng mga mamamayan ang napipintong reklamasyon sa lugar.

Ang sinasabi nilang pag-short cut ay binubuo nang paglipat ng Philippine Reclamation Authority (PRA) sa ilalim ng Malakanyang mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), at ang biglang pagtanggal din sa papel ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagbalangkas ng panuntunan sa gagawing 43 reclamation project sa Manila Bay.

‘Tila umano nakababagal ang dalawang ahensiya sa mabilis na pag-e-execute ng plano sa Manila Bay kaya minabuti na lang na ma-echapwera ang dalawang ahensiya.

Ganito rin ang hinala ng ilang mambabatas, sa pangunguna nina Magdalo party-list Rep Gary Alejano at Anakpawis party-list Rep Ariel “Ka Ayik” Casilao, na kapwa nagdududa sa motibo ni Pangulong Duterte sa paglilipat ng dalawang tanggapan sa ilalim ng kanyang opisina.

Mas lalo pang lumalim ang hinala ng pag-short-cut sa proyektong ito nang ipalabas ng Palasyo ang Executive Order No. 74 na sumusuporta sa pagpapabilis ng 43 reclamation sa Manila Bay.

“There is a need to rationalize the approval process for reclamation projects towards an economically and environmentally sustainable resource development,” ang sabi ng isang bahagi ng EO 74.

Ang pinangalanan ng mga mambabatas, at maging ng mga mangingisda na nakaututang dila ko sa aplaya ng Manila Bay, ay marami nang nakorner na bilyones na negosyo mula sa administrasyong ito.

Ang may hinanakit na pahabol na sabi ng mga mangingisda sa Manila Bay: “Hindi na nga makapamalakaya ang mga kapatid namin sa Panatag Shoal dahil sa reklamasyon du’n, ngayon pati rito sa Manila Bay, na matagal na naming teritoriyo, ay mawawala na rin.”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.