PARA sa mga Chinese, ang kanilang New Year o Bagong Taon ay Pebrero 5, 2019. Kong Hei Fat Choy! Para sa kanila, ito rin ang Taon ng Baboy o Year of the Pig. Para sa mga Pilipino, hangarin nilang matanggal ang sandamukal na “pork barrel” ng mga kongresista at senador sa P3.757 trilyong national budget sa 2019.

Kung paniniwalaan si Sen. Panfilo Lacson, may tig-P160 milyong pork barrel bawat kongresista samantalang ilang kasamahan niyang senador ang naglaan din daw ng ilang bilyon sa kanilang mga proyekto. Nais ni Lacson na i-veto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga item na minantikan ng pork barrel. Sabi naman ng Malacañang, huwag pangunahan ni Lacson si PRRD kung ano ang gagawin.

Komento ng kaibigan ko: “Laging gusto ng mga mambabatas na may mantika ang kanilang bibig samantalang halos walang makain ang mga ordinaryong tao na nagpapasuweldo sa kanila.”

oOo

Siyanga pala, nabalitaan ba ninyo ang pagpasok ng Solar Para sa Bayan (SBSP) sa industriya ng kuryente? Kung papalarin, sila ay magiging isang monopoly sa bansa. Nakapangangamba sa consumers ang epekto ng monopolyo dahil tataas ang presyo ng kuryente. Sabi nga ni FPI Chairman Jesus Arranza, ang mga kapitalista ang patuloy na kikita at ang mga konsyumer ang magpapasan ng dusa.

Maaaring hindi batid ng mga tao ang posibleng epekto ng usaping ito sa ating bansa. Malaman sana ng mga Pinoy ang hinggil sa bagay na ito. Hindi natin alam kung ano ba talaga ang kakayahan ng korporasyong ito. Sino ba talaga sila? Ano na ba ang kanilang naiambag sa industriya? Ano na ang kredibilidad ng korporasyong ito para mapagkatiwalaan sila ng ganito kalaking pagkakataon na maging monopolyo sa industriya ng kuryente?

Sinabi ni Chairman Jesus L. Arranza ng Federation of Philippine Industries (FPI), na ‘tila walang nakasaad sa panukala kung ano ang magiging kapalit o kung ano ang magiging pananagutan ng SBSP sakaling hindi nila magampanan ang tungkulin. Sa madaling sabi, walang nakasaad ukol sa pananagutan ng korporasyon.

Ayon sa FPI, waring na-bypass sila sa usaping ito. Hindi sila isinama at inanyayahan man lang sa kahit anong dayalogo tungkol sa usaping ito. Hindi maitatangging makapangyarihan ang mga taong sumusuporta sa panukalang ito na tinawag na House Bill No. 8179 o ang Solar Para sa Bayan Corporation Franchise Bill. ‘Tila wala o nagkulang sa konsultasyon sa publiko gayon din sa mga malalaking organisasyon na siyang magiging apektado ng bill na ito gaya ng FPI. Sa kabila ng pagpapahayag ng ‘di pagsang-ayon ng FPI, ‘tila nagbibingi-bingihan ang mga nagtutulak ng panukalang ito.

Sa kasalukuyan, ang panukala ay nakabinbin sa tanggapan ng Senate Committee on Public Services sa ilalim ni Sen. Grace Poe kasama si Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Committee on Energy. Nawa’y ang ikabubuti ng industriya at ng karamihan ang manaig sa isip at puso ng mga butihing senador. Huwag sanang hayaan na maghari ang SPSB sa industriya dahil kung sakaling mapagbigyan ang SPSB, wala na tayong magagawa ukol sa kung anuman ang maisip nilang gawin sa industriya.

Hinikayat ni Arranza na suriing mabuti ang panukala at siguraduhing wala itong nilalabag sa Philippine Competition Law. Sa bandang huli, ang mga konsyumer pa rin ang mahihirapan sa epekto ng usaping ito. Maisip sana ng mga kinauukulan ang kapakanan at kagalingan ng taumbayan at hindi ang kapangyarihan ng salapi na baka ilan lang ang makikinabang.

Talaga nga naman, kapag ang isyu ay tungkol sa kuryente, apektado ang lahat. Mahirap ang walang kuryente o kung mayroon man ay mabigat na pasanin ang taas ng presyo nito. Buti na lang at medyo malamig pa ngayon. Paano sa pagdating ng tag-araw na kailangang gumamit ng bentilador o air-con paminsan-minsan?

-Bert de Guzman