Nagsasagawa ng search and rescue operations ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos na iulat ang pagkawala ng isang single-type engine aircraft nitong Pebrero 4.
Ayon kay PCG spokesperson Armand Balilo, ang nasabing impormasyon ay itinawag lamang ni “Bong Menezes” sa kanilang guard action center.
Ayon kay Menezes, ang piloto ng nasabing eroplano ay si Captain Naverb Nagaraja, na instructor pilot, kasama ang estudyanteng tinuturuang magpiloto na si Kuldeep Singh, kapwa Indian.
Umalis umano ang eroplano sa Plaridel, Bulacan nitong Pebrero 4, at lumapag sa Subic Airport.
Sa nasabing araw, muling umalis ang aircraft sa Subic pabalik ng Plaridel, Bulacan ngunit hindi ito nakarating sa destinasyon nito sa oras na inaasahan.
Agad namang nagpadala ng dalawa pang sasakyang panghihimpapawid ang Flight Line Flying School, upang magsagawa ng search and rescue operation.
Ipinadala naman ng PCG ang kanilang BRP Tubattaha sa Orion, Bataan, gayundin ang BRP Boracay na nagsasagawa ngayon ng operasyon sa Sanal Island, sa Bataan.
Nag-abiso na rin ang PCG sa mga manlalayag at inalerto ang lahat ang mga sasakyang pandagat hinggil sa nawawalang aircraft at mga piloto.
-Beth Camia