MARAMING ‘ p a s a b o g ’ na magaganap sa unang pagsasama nina Vice Ganda at Songbird Regine Velasquez sa nalalapit nilang three-night concert sa Araneta Coliseum, ang The Songbird and The Songhorse, sa February 14, 15 at 16.
Bilang paghahanda, kuwento ni Vice, “Madami nang nagawa, pero siyempre this time around, sa akin naman siyempre ibang material since hindi naman puwedeng ulitin ng ulitin ang mga jokes dahil marami rin ang umuulit na mga nanunod. Malalaman nila kung nagre-rehash lang ako ng jokes e. Magagalit naman sila mahal ang ticket,” bungad ng It’s Showtime host.
“Meron mang ilan-ilan na paborito kong jokes na bibitawan na manggagaling sa akin kasi two years naman na ‘yung concert ko,” pahabol niya.
Pinaghandaan daw ng dalawa ang naturang concert lalo na si Regine na first time sasabak sa comedy-concert kasama si Vice.
“Sa akin, ang bago kasi magkasama kaming dalawa. Hindi pa kami nagko-concert together so sa akin exciting ‘yung for the first time ‘yung concert may comedy. Sa ‘yo (Vice Ganda) hindi na masyadong bago kasi you do that pero sa akin, bago ‘yun kaya I’m excited about that,” sabi pa ni Regine.
Napag-uusapan din kung paano ang magiging hatian ng performance.
“Siyempre the numbers will be complementing each other, so kung mayroon siyang monologue, wala akong monologue,” masayang kuwento ni Regine.
“’Yung part niya, part niya ibinigay niya lahat. At mayroon din naman akong part na kung ano ‘yung i-expect sa akin ‘yun din ang ibibigay ko. Tapos may part na magkasama namin na gagawin,” sabi pa ni Vice.
Kuwento pa nina Regine at Vice, excited din sila dahil ito ang unang pagkakatoon na magkakaroon ng three consecutive night concert para sa isang local artist.
“First time talaga ito, mahirap kasing gumawa ng concert kahit isang gabi nga lang mahirap na e’ so ito tatlong gabi pa. So it is exciting but at the same time like you said nakaka pressure din,” paliwanag ni Regine.
“Initially I thought there’s too much pressure, kaya ayaw kong pumayag ng three nights muna. Sabi ko, ‘Ayaw ko, natatakot ako.’ Tapos sabi nila, ‘Anong kinakatakot mo, e ,magkasama kayo ni Regine. Si Regine nga kayang-kaya punuuin ang two-night so isipin mo nalang, sa ‘yo ang one night, kay Regine ang two nights.’ ‘Ah, oo nga ‘no,’” patuloy na kuwento ni Vice.
“Surprisingly, ‘yung third night ang pinakamabilis naubos agad, ‘yung dinagdag ang pinakamabilis naubos, sold out na ‘yung third night.”
Bukod sa intense performance level, asahan din ang patalbugan sa costume nina Vice at Regine sa mismong gabi ng kanilang concert.
Mapapanuod sina Vice at Regine sa The Songbird and The Songhorse mula February 14 hanggang 16 sa Smart Araneta Coliseum.
-Ador V. Saluta