Lumagda sa isang kasunduan ang Philippine National Police (PNP) at Light Rail Manila Corporation (LRMC) Line 1 nitong Miyerkules, na nakatuon sa pagbabahagi ng kaalaman sa publiko hinggil sa mga modus operandi ng mga kriminal at maisulong ang mga crime-prevention tips sa mga istasyon ng tren.
Pinangunahan nina Chief Supt. Noel Baraceros, direktor ng PNP Center for Police Strategy Management; at Juan Felipe Alfonso, President at Chief Executive Officer ng LRMC, ang paglagda sa memorandum of agreement (MOA) para Oplan SAFER na idinaos sa Central Terminal Station sa Ermita, Maynila.
Ayon kay Baraceros, bahagi ang Oplan SAFER ng PNP PATROL (Peace and Order Agenda for Transformation and Upholding of the Rule Of Law) Plan 2030 na layong magbigay sa publiko ng “safer place to live, work or do business through a highly capable, effective and credible police service.”
-Martin A. Sadongdong