MATAGAL nang may mga komento hinggil sa P100,000 na ibinibigay sa mga Pilipino na umaabot sa kanilang ika-100 kaarawan.
Sa simula, tanging ilang lokal na pamahalaan lamang ang nagbibigay ng ganitong mga benepisyo sa kanilang mga centenarians, dahilan upang imungkahi ng iba na dapat itong ipatupad sa lahat ng centenarian sa bansa, hindi lamang para sa mga nakatira sa probinsiya at lungsod na nagpapatupad ng ordinansa na nagbibigay ng espesyal na benepisyo. Noong 2014, ibinaba ng Pampanga ang edad ng mga benepisyaryo—lahat ng ipinanganak na Kapampangan—sa 95.
Noong 2016, inaprubahan ng Kongreso ang Republic Act 10868, ang Centenarians Act, na nagkakaloob ng P100,000 insentibo at dagdag na iba pang benepisyo at pribilehiyo sa lahat ng mga Pilipino na umaabot sa 100 taon. Nilagdaan ito ni Pangulong Benigno S. Aquino III bilang batas noong Hunyo, 2016, isang linggo bago matapos ang kanyang anim na taong termino bilang pangulo.
Nakatuon ang mga sumunod na komento sa obserbasyon na karamihan sa mga centenarian ay hindi naman natatamasa ang benepisyo ng P100,00 cash grant. Dapat na bigyan o maging bahagi ng 100,000 benepisyaryo ang mga nakakarating sa edad na 90—o maging 80-anyos para sa ilan.
Naaprubahan na ng House Special Committee on Senior Citizens ang panukalang-batas na inihain ng limang kongresista na nagtatakda na ang mga senior citizen na umabot sa edad na 85 ay makatatanggap ng P25,000 cash; ang mga umaabot sa 90 ay makatatanggap ng panibagong P25,000; ang aabot sa 95 ay makatatanggap ng dagdag na P50,000. At ang aabot sa 100 taon ay makakatanggap ng P100,000 kasama ng isang liham ng pagbati mula sa pangulo ng Pilipinas.
Pinangunahan ni Senior Citizen partylist Rep. Milagros Aquino Magsaysay ang House Special Committee on Senior Citizens na nagpasa ng panukalang-batas. Pinasalamatan ng Commission on Filipinos Overseas ang Special Committee sa pagsama sa panukalang batas ng lahat ng mga Pilipinong senior citizen na ngayon ay naninirahan na sa labas ng bansa.
Samantala, ang Senado ay nag-apruba ng panukalang-batas na lumilikha ng National Commission of Senior Citizens, kung saan magkakaroon ang komisyon ng mga opisina sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Nakamandato sa komisyon ang pagsisiguro ng buong implementasyon ng batas, polisiya, at mga programa para sa mga matatanda sa bansa.
Umaasa ang maraming kongresista na naghain ng hiwalay na panukalang-batas na pinagsama sa isang pinal na mungkahi, ang mga senador na nag-apruba ng batas na lumilikha ng bagong Commission of Senior Citizens, at ang lahat ng mga nagpapahalaga sa mga naiambag ng mga senior citizens ng bansa na ang mungkahing batas na ito ay aaprubahan at mapagtitibay bilang batas bago pa matapos ang kasalukuyang 17th Congress, upang magbigay-daan sa pagpasok ng 18th Congress pagkatapos ng halalan sa Mayo.