BUHAY na saksi ako sa kabutihang naidudulot ng itinatag ni Presidente Rodrigo Duterte, kasama ni Special Assistant Bong Go, na Malasakit Centers dito sa kabuuan ng Cebu City.
Kung magugunita, naglagak ng halagang P50M piso kada buwan
si Duterte para sa nasabing programa upang tulungan ang mga mahihirap sa kanilang mga pangangailan sa kalusugan at pambayad ng gastos sa ospital. Noon pang nakaraang taon unang inilunsad ang ‘Malasakit Center’ sa Vicente Sotto Memorial Medical Center, isang pampublikong pagamutan sa lungsod ng Cebu, na maitutulad sa Philippine General Hospital (PGH) sa Manila. Personal na pinasinayaan ng Pangulo, kasama si Presidential Assistant for the Visayas Michael Dino, ang nasabing kawanggawa ng pamahalaan. Bale ba, ang bawa’t Cebuano na kumukuha ng ‘Malasakit Card’ ay makatatanggap ng P75,000 tulong pinansyal tuwing manganganak, magpapaopera at iba pa. Ibig sabihin, hindi nauubos ang perang nakalaan sa bawat pasyenteng may kailangan dahil umiikot ang pondo pagkatapos ng una, pangalawa, maging sa pangatlong gamit nito.
Sa nakaraang dalawang buwan, nalaman ko na parang nainis pa si Digong dahil ang inilaaan niyang budget bawat buwan ay hindi nauubos. Napakarami ng kababayan kong Cebuano ang taos-pusong nagpapasalamat sa iginawad na ayuda dahil, halimbawa, libre na ang kanilang panganganak kahit taon-taun pa. Pati ang pagpapaopera sa kahit anong sakuna ay sagot din ng ‘Malasakit Card’.
Ang nakalulungkot lang, at nais ko itong makarating kay “Mayor” Digong, ay pinupulitika ito ng ibang social worker sa loob ng Sotto Hospital. Ang siste kasi, tumitingin sila sa kulay ng pulitika ng mga taong humihingi ng tulong. Ibig sabihin, kung hindi ka kaalyado ng partidong naghahari sa Cebu City, pahihirapan ka. Ang masama pa nito, kesyo wala na raw pondo o ubos na ang pera ng ‘Malasakit ni Digong’.
Bakit daw ‘Malasakit’ pa ang ginagamit ng mga mahihirap, kung mayroon namang ‘health card’ na ibinibigay ang City Hall? Nagtatakip pa ng ID ang mga ito para hindi maisumbong sa Palasyo. Ang mahirap pa nito, pinapahiya nila ang kanilang alkalde sa pag-uugaling ipinapakita nila.
-Erik Espina