NANG banggitin ko sa ilang kaibigan na may “lugar na baratilyo” rin sa pagpapabunot ng ngipin at pagpapagawa ng pustiso, ay todo kantiyaw ang inabot ko, kahit pa nga na aminado rin sila na napakamahal ng serbisyong ito, kaya maraming kababayan natin ang nagtitiis na may lumilitaw na bintana sa kanilang bibig tuwing sila ay ngumingiti.

Ang totoo, meron naman talagang baratilyo para rito at ang presyo ay tunay na pangmasa. Ito ay matatagpuan ‘di kalayuan sa Palasyo ng Malakanyang, sa likuran ng Centro Escolar University (CEU) sa Mendiola Street, San Miguel, Manila.

Ang eksaktong lugar ng mga dental clinic na ito – sinabi kong “mga” kasi marami ang mga ito at halos ay magkakatabi – ay sa kanto ng Concepcion Aguila Street at Rafael Salas Street. At dahil nga magkakakumpetensiya ang mga ito, sa labas pa lamang ay may sasalubong na sa iyo at magtatanong: “Magpapagawa ba kayo ng pustiso?”

Ito ang tip para sa murang serbisyo – hanapin ninyo ang naging suki ko sa lugar na si Mary Ann, at sabihing nabasa ninyo sa #ImbestigaDAVE ang pangmasa na presyo nila sa pagpapagawa ng pustiso. Garantisado na abot ng bulsa ninyo ang kanilang presyo!

Sa mga gustong mag-sideline, bukod sa pamimili para sa kanilang sariling gamit, ay puwedeng mamili sa Divisoria, ang lugar na masasabi kong kakumpetensiya ng Quiapo kung bagsak-presyo ang pag-uusapan.

Sa Divisoria matatagpuan ang iba’t ibang murang produkto – mula sa kalye Juan Luna, Ylaya, Tabora, Carmen Planas, Bilbao, Sto Cristo at Asuncion – gaya ng mga damit, tela, sapatos, kagamitan sa bahay, laruan, souvenir sa kasal at iba pang okasyon, dekorasyon, gulay, prutas at iba pang mga electronic gadget na mga imported mula China.

May mga malalaking mall na rin sa Divisoria – Tutuban Mall, Divisoria Mall, 168 Mall, at 999 Mall -- na ang sistema ng pagbebenta ay katulad din ng mga sinaunang puwesto sa mga kalye na aking nabanggit. Kaya’t masasabi kong buhay na buhay ang “wholesale” at “retail” na negosyo sa lugar dulot ng masiglang kompetisyon sa pagitan ng mga negosyante.

Sa ganitong bentahan ay hindi rin magpapahuli ang Baclaran sa Parañaque City, na noon ay dinarayo lamang tuwing “Market Day” o Miyerkules -- ang araw ng pagsisimba sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help, kasabay nang pamimili sa mga puwesto sa bangketa ng Redemptorist Road, sa tabi ng simbahan.

Sa ngayon, kahit anong araw ay puno ng mamimili ang paligid ng Baclaran, na lumawak na ang lugar ng negosyo mula Redemptorist Road hanggang Pasay Taft Extension na aabot na sa kanto ng EDSA sa Pasay City.

Sa magkabilang panig ng Taft Avenue Extension ay may bagong gawa na mga gusali, na mistulang maliliit na mall. May mga puwesto rito para sa mga “wholesaler” na ang target na mamimili ay mga nagnenegosyo rin sa mga “tiangge” at “online” na paborito ngayon ng mga customer na millennial.

Puwede pa ring bumili rito ang hindi negosyante, ‘yun lang para makakuha ng murang presyo, dapat palaging “three of a kind” ang bibilhin.

Kung dati-rati ay lumulutang ang ilang lugar sa Pasig, Taytay at Marikina bilang mga “supplier” lamang ng paninda sa mga nabanggit kong “lugar ng baratilyo”, medyo naiba na ang sitwasyon ngayon.

Marami na kasing mamimili ang dumarayo sa mga lugar na ito matapos mapabalita na nagre-retail na rin ang mga ito, bukod pa sa mas murang mamili rito ng mga ready-made nang damit, pantalon, t-shirt at iba pang kasuotan. Happy shopping sa inyong lahat!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.