Kasalukuyang inoobserbahan sa ospital ang isang Grade 6 student na muntik nang malunod sa Manila Bay, sa Malate, Maynila, kamakalawa.
Nakaratay sa intensive care unit (ICU) ng Ospital ng Maynila si Rhianne Janiel Soriano, 11, taga-Malate, makaraang makainom ng maraming tubig habang naliligo sa Manila Bay, na malapit lamang sa kanilang tahanan.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), naganap ang insidente sa bahagi ng Manila Bay, na matatagpuan sa Roxas Boulevard, sa Malate, bandang 5:00 ng hapon.
Nagkayayaan umano ang biktima at kanyang mga kaibigan na maligo kaya nagtungo roon nang hindi nagpapaalam sa kanyang inang si Marivic.
Gayunman, muntik nang malunod ang biktima nang makainom ng tubig at agad na iniahon ng ilang concerned citizen at isinugod sa ospital.
Dahil dito, nagdesisyon na ang lokal na pamahalaan ng Maynila at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bakuran ang paligid ng Manila Bay.
Bago ang isinagawang clean-up drive, umaabot sa 330 million Most Probable Number (MPN) ang fecal coliform content sa bahagi ng Padre Faura sa Ermita.
Gayunman, base umano sa pinakahuling laboratory analysis sa waste water samples dito ay natuklasang bumaba na ito sa 7.9 million MPN.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng DENR na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang paliligo sa Manila Bay.
-Mary Ann Santiago