SINO kaya ang nakaisip na mamigay ng magazine sa premiere night ng Hanggang Kailan? movie nina Xian Lim at Louise de los Reyes? Malaking tulong ito para sa mga nakapanood, para malaman kung saan-saang lugar nag-shooting ang pelikula.

Xian at Louise

Saga ang titulo ng colored magazine at ipinakita ang mga behind-the-scenes shoot, bukod pa sa nagagandahang lugar sa Saga, Japan tulad ng Saga International Balloon Festival, na naging background sa poster ng pelikula.

Naki-join din sina Xian at Louise sa Karatsu Kunchi Festival sa Karatsu City, na pinakasikat na festival sa Saga. Taong 2016 nang kilalanin ito ng UNESCO bilang intangible cultural heritage site.

KILALANIN: Sino si Denise Julia na inireklamo ni BJ Pascual?

Picture-picture at selfie naman ang eksena nang dalawa sa napakagandang Keishuen garden, na wala kang makikita kundi kulay luntian ay may pond pa.

May kuha ring nag-uusap sina Xian at Louise sa Kaichu Torii (Torii Under the Sea) na ang paglalarawan sa lugar ay: “Ariake Sea is known for the largest tidal range in Japan which reaches up to 6 meters.”

Pinuntahan din nila ang Toyotamahime Shrine, kung saan naroon ang Ureshino Hot Spring, na may eksenang naliligo ang dalawa. Ang nasabing hot spring ay nakagaganda ng kutis, base sa kuwento ni Princess Toyotama, at nakakagamot daw ng lahat ng skin diseases.

Kilala naman ang Teppanyaki En, modern Japanese style restaurant sa vicinity ng Warakuen, kung saan sarap na sarap kumain si Louise habang daldal naman nang daldal si Xian.

Pansin lang namin na sa buong pelikula ay ang aktres lang ang kain nang kain. Inisip namin kung totoo bang gutom siya, o nasa script iyon?

May kuhang nakikinig ng jazz music sina Xian at Louise sa Restaurant Suisha na nasa Ureshino River.

At siyempre ang Tenzan Resort, na unang beses ni Louise makaranas ng snow, base na rin sa kuwento niya sa mediacon ng Hanggang Kailan? kamakailan.

Sa back cover ng Saga magazine ay naroon ang prefecture location map kung saan-saang lugar kinunan ang pelikula. Magkakalayo pala ito, kaya pala inabot sila ng mahigit isang buwang shooting, dahil pakiwari namin ay hindi puwedeng madaliin, lalo na dahil sobrang lamig sa Japan nu’ng nandoon sila.

Hugot movie rin ang Hanggang Kailan? dahil puro hugot ang mga linya nina Xian at Louise, na hindi nila alam kung kailan nila tatapusin ang kanilang relasyon. Kaya pala ganu’n ang titulo.

Naalala tuloy namin ang lyrics sa Somewhere Down the Road ni Barry Manilow: “We had the right love at the wrong time, Guess I always knew inside, I wouldn’t have you for a long time…..”

Dapat isinama sa soundtrack ang kanta, dahil ito talaga ang kuwento ng pelikula.

In fairness, magaganda naman ang mga awiting ginamit sa Hanggang Kailan? at tiyak na magugustuhan ito ng millennials.

Aliw na aliw kami, dahil kapag kissing at love scenes na ay ang daming reaksiyon ng manonood. Kasi nga hindi mabilang kung nakailang beses naghalikan sina Xian at Louise.

Hindi naman siguro ito ipagseselos ni Kim Chiu. Ha, ha, ha!

Para sa amin ay kulang ang reaksiyon ni Xian sa love scenes nila ni Louise. Lalo na sa unang pagkikita nila, na dapat ay agresibo ang dating. O baka naman ayaw ng aktres ng ganu’n.

Habang pinapanood namin ang Hanggang Kailan? ay naalala namin ang Kita Kita nina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi. Dalawa lang din kasi silang karakter sa pelikula, gaya nina Xian at Louise sa Hanggang Kailan?.

Sadya o uso na ba na dalawa lang ang artista kapag sa Japan ang location? Dahil ba magastos ‘pag nagdagdag pa ng cast?

Habang pinapanood namin ang Hanggang Kailan? ay panay ang tanong namin sa taga-Viva kung napanood na ito ng Cinema Evaluation Board (CEB) at ano ang grade.

Mapapanood na ang Hanggang Kailan? ngayong Miyerkules, produced ng Viva Films, Blu Art, at XL8, at idinirek ni Bona Fajardo.

-REGGEE BONOAN