PAMBIHIRA ang paglundag ni ex-Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa listahan ng Magic 12 para sa senatorial race sa 2019 midterm elections sa Mayo. Nakagugulat talaga! Akalain ninyo na mula sa ika-15-16 puwesto noong December 2018 Social Weather Stations (SWS) survey, biglang lundag siya ngayon sa ikalima hanggang ikaanim na puwesto batay sa latest survey nitong Enero 23-26,2019.
Labis ang pasasalamat ni Go, matapat na aide ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), na sumikat dahi sa laging nasa likod ng Pangulo sa lahat ng larawan sa mga okasyon at dahil dito ay tinagurian siyang “National photo bomber”. Ayon kay Go, malaki ang nagawa ng pag-eendorso sa kanya ni PRRD.
Tanong ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Eh bakit si Francis Tolentino na lagi ring karay-karay ng Presidente at laging binabanggit sa mga lugar o kampo na kanyang pinupuntahan, ay hindi nag-improve ang survey rating para mapasama sa Magic 12?”. Bakit nga kaya?
Sa pinakahuling SWS survey, nananatiling nangunguna si Sen. Grace Poe, kasunod si Sen. Cynthia Villar at pangatlo si ex-Sen. Lito Lapid. Aba, ano ba ang magic ni Leon Guerrero, este Lito Lapid, kung bakit lagi siyang kasama sa Magic 12? Aminado siyang kulang sa edukasyon, hanggang high school lang at hirap makaintindi ng wikang English pero hindi siya nawawala sa listahan. May mga pilyo ngang nagbibiro na habang may sesyon, si Lapid ay nakatingala sa bubungan ng Senado at naghahanap ng mga butiki.
Sa tinatawag na Otso Diretso ng oposisyon o ng Liberal Party (LP), tanging sina Sen. Bam Aquino at ex-DILG Sec. Mar Roxas ang nakapaloob sa Magic 12. Si Roxas ay nasa pangwalo hanggang pangsiyam na puwesto samantalang si Sen. Bam ay pang-11. Bukod kina Roxas at Aquino, kabilang sa Otso Diretso sina Gary Alejano, Romy Macalintal, Flor Hilbay at ang matapang na babaeng Muslim na may apelyidong Gutoc.
Nawala sa Magic 12 sina Imee Marcos at Bato dela Rosa. Bakit kaya? Itanong natin sa SWS. Si Bato ay iniendorso rin ni Mano Digong subalit bigla siyang nawala nang pumasok si Bong Go. May ulat pa o tsismis na inilaglag ni Go si Imee kung kaya bilang ganti, ipinatanggal daw ni Imee ang lahat ng tarpaulin ni Go sa lalawigan. Totoo ba ito o fake news?
oOo
Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang pahayag ng ating Pangulo na suicide bombers ang nagpasabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu noong Enero 27. Ayon kay Año, dating AFP chief of staff, ang dalawang suicide bomber ay Indonesian.
Sinabi ni Año na batay sa mga impormasyon na ibinigay ng mga saksi, giniyahan lang ng Abu Sayyaf ang mag-asawang bomber para makapasok sa loob ng katedral. Hindi rin siya naniniwala na may kaugnayan ang pagsabog sa Jolo, Sulu at sa paghahagis ng granda sa isang mosque sa Zamboanga City.
Papaano ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at ng National Bureau of Investigation (NBI)? Inunahan na sila ng Pangulo na suicide bombing ang Jolo explosion. Papaano kung iba ang resulta ng kanilang mga pagsisiyasat at lumitaw na ito ay detonated improvised explosive device (IED)?
Hindi ba ninyo napupuna, naging tahimik sina AFP chief of staff Gen. Benjamin Madrigal at PNP Director General Oscar Albayalde na noong una ay nagsabing posibleng IED ang ginamit sa pagpapasabog?
-Bert de Guzman