“KAHIT sinabi ng doktor na hindi ako mamamatay kung ako ay mangangampanya, ang pangangampanya ay hindi ang pagbabago na ninais ng lifestyle na kailangan kong gawin para lubusan akong gumaling sa aking sakit. Isa ito sa mga pinakamalungkot na desisyon, kung hindi ito ang pinakamalungkot na desisyon. Marahil may iba pang plano ang Diyos para sa akin,” wika ni Harry Roque sa mga mamamahayag at sa kanyang social accounts pagkatapos niyang iatras ang kanyang kandidatura sa pagkasenador.
Siya ay kumandidato sa ilalim ng partidong People’s Reform Party ni dating Senador Miriam Defensor-Santiago at ginawa niya ang pag-atras isang araw pagkatapos niyang ituring bilang isa sa 63 official senatorial candidate.
Ang sinabi ni Roque na kanyang karamdaman ay unstable angina coronary disease, na ayon sa American Heart Association, ay kondisyong nagpapahina sa agos ng dugo sa puso dahil sa pagsisikip ng mga ugat. Ito, aniya, ay magreresulta sa atake sa puso.
“Kung ang dahilan ng kanyang kusang pag-atras sa senatorial race ay ang kanyang kalusugan, maganda itong desisyon. Ano nga naman ang halaga ng posisyon kung ikaw ay may sakit? Kalusugan muna bago ang lahat,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Totoo man o hindi ang dahilan ni Roque sa pagbawi niya sa kanyang kandidatura sa pagkasenador, ang totoo ay ang mga survey na nauna nang lumabas at panghuli siya. Nagsampa nga siya ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang survey. Nag-iimpluwensiya, aniya, ito sa mga mamamayan sa kanilang gagawing pagboto at sa resulta ng halalan.
Narinig din siyang nagsabi na maaaring mabago ang survey na nagpapakitang kulelat siya kapag lumabas na ang kanyang bayad na anunsiyo sa media. Pero, sa ilang ipinakikita nito, ang ilan sa mga nagawa niya bilang abogado at Party-list representative, ang nagsasabi sa kanyang nagawa bilang kongresista ay si Pangulong Duterte. Kaya, pinalalabas niya na siya ay iniendorso ng Pangulo.
Ang problema, sa pagtitipon ng mga opisyal ng local government units, partikular sa mga barangay sa Pasay Sports Center, kung saan ang Pangulo ang panauhing tagapagsalita, ay hindi siya binanggit ng Pangulo na kanyang gustong tulungan sa pagkasenador. Binanggit lamang niya sina dating PNP Chief Bato dela Rosa, Bong Go, dating MMDA Chairman Tolentino at Freddie Aguilar. “Bahala na kayo sa iba,” aniya. Ginawa ito ng Pangulo sa harap ni Roque na isa sa mga dumalo sa pagtitipon.
May sakit man si Roque o wala, ang napakalaking problema niya ay saan at kanino siya kukuha ng boto? Tinalikuran niya ang grupong ipinagtanggol niya dahil sa kaapihan at paglabag sa kanilang karapatang pantao at ang ipinagtanggol niya ay ang umaapi sa kanila.
Nang siya ay maging Presidential Spokesperson ng Pangulo, ipinagtanggol niya ang war on drugs nito. Ngayong inilaglag siya ng Pangulo, marahil napagtanto niya, tulad ng mamamayan na naniwala sa pangako nito nang siya ay nangangampanya sa panguluhan, na hindi pala ito maaasahan.
Nalaman din ni Roque na mahirap tularan ang Pangulo sa istilo nitong palamutian ng maganda ang hindi mabuti sa bayan.
-Ric Valmonte