ANG mga bagong akusasyon at kontra-akusasyon ang patuloy na nagpapatagal sa pag-apruba ng 2019 National Budget. Nitong nagdaang Disyembre pa dapat naipasa ang budget upang maging epektibo sa unang araw ng bagong taon, ngunit dahil sa mga ulat ng pagsisingit ng “pork barrel” naantala ang pagdinig sa Kongreso ng isang buwan na ngayon.
Nitong Disyembre, tumanggi ang Senado na aprubahan ang bersiyon nito ng P3.757 trilyong General Appropriations Bill para sa 2019, na naaprubahan na ng Mababang Kapulungan, sa pagsasabing nais nilang mailantad at maalis ang mga “pork barrel” na isiningit ng mga kongresista. Naglabas ng sariling bersiyon ng panukalang budget ang senado, na ngayon naman ay nahaharap sa akusasyon ng mga mambabatas, na nagsingit ang mga senador ng sarili nilang “pork barrel” sa panukalang budget.
Matagal nang sinasabi ni Senador Panfilo Lacson na bawat isang kongresista ay naglagay ng tig-P160 milyon para sa mga espesyal na proyekto sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sinalungat ito ni Rep. Rolando Andaya, pinuno ng House Committee on Appropriations, at sinabing mahigit P190 bilyong halaga ng amyenda sa appropriation bill ang ipinasok ng Senado, kumpara sa P50 bilyon ng Kamara.
Nakisawsaw sa alitan si House Deputy Minority Leader Rep. Anthony Bravo, ng Coop Nattco, at nagreklamong kapag gumawa ng amyenda ang mga senador, “institutional amendments” ang tawag dito, ngunit kapag gawa ito ng kongresista, tinatawag ni Lacson na “pork barrel” ang mga ito.
Isang inis na Senate President Vicente Sotto II nitong nakaraang linggo ang nagsabing, “I am sick and tired of the allegations,” na sinundan ng pahayag na dapat sigurong panatilihin na lamang ng pamahalaan ang aprubadong budget ng 2018 para sa buong 2019 upang mabura ang lahat ng mga pagdududa.
Ang lumang budget ang ginagamit ng pamahalaan mula noong Enero 1, 2019, na nagbibigay ng pondo para sa normal na operasyon ng pamahalaan, ngunit hindi para sa mga proyekto na itinakda para lamang sa 2019, lalo na ang maraming naglalakihang proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build.”
May mga alegasyon na sa maraming pampublikong proyekto, ilang bahagdan ng budget ang napupunta sa iba’t ibang sektor, kabilang ang opisyal sa local engineering, mga opisyal sa lokal na pamahalaan, at sa mga mambabatas na nag-asikaso para maisama ang proyekto sa pambansang budget. Hindi ito kailanman nakumpirma ngunit nagpapatuloy ang mga bintang. Dapat bigyang pansin ng administrasyong ito, na nangako ng kampanya laban sa kurapsiyon, ang mga alegasyong ito at tuldukan kung totoo man.
Ngunit ang mga pampublikong proyekto katulad ng mga farm-to-market roads at anti-flood at anti-lanslide structure ay nararapat lamang na maisama sa taunang budget, kasama ng mas malalaking proyekto katulad ng mga dam at expressways. Dapat na matugunan ng mga kongresista at mga senador ang mga hinaing ng kanilang mga nasasakupan para sa mga proyekto na mahalaga sa kanila, katulad ng mga ito, na maaaring ‘di mapansin ng DPWH sa pambansa nitong pagtingin.
Nakatakdang mag-adjourn bukas ang Kongreso at sisimulan na ng mga mambabatas ang kani-kanilang pangangampanya para sa reelection. Hinihikayat natin na magpulong na ang mga ito at pagkasunduan ang isang pambansang budget para sa 2019, upang masimulan na ang mga plano sa bansa para sa taong ito.